SA pagtatapos ng taon, panahon na para sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na pagnilayan ang lahat ng mga problema na kanilang kinaharap ngayong 2019 at magplano upang hindi na ito maulit sa 2020.

Isa sa mga prinoblema natin ngayong 2019 ay ang serye ng red at yellow alerts sa pag-abot sa sukdulan ng demand sa elektrisidad nitong tag-araw. Ginunita ni Secretary of Energy Alfonso Cusi na nitong summer months ng 2019, ilang power plants ang nag-anunsiyo ng sabay-sabay na shutdowns para sa annual checkups.

Ilang imbestigasyon ang isinagawa, ayon kay Secretary Cusi, ngunit ang mga nag-iimbestigang ahensiya ay hindi inilatag ang kanilang findings sa kung ano ang dahilan ng pagpalya ng mga planta nang halos sabay-sabay simula Abril hanggang Hunyo. Dahil sa kakulangan ng power supply, ilang brownouts ang kinailangang i-schedule sa Luzon power grid.

Para maiwasan na maulit ang sitwasyong ito sa susunod na taon, inatasan ni Secretary Cusi ang lahat ng power distribution utilities, kabilang ang Meralco, na tiyakin na mayroon silang sapat na supplies ng elektrisidad sa paparating na tag-araw. Kailangan nilang paghadaan ang pangangailangan at kontrata para sa kanila, aniya.

Ngunit ang mas malaking problema sa mga tag-araw nitong 2019 ay ang pagbaba ng supply ng tubig, kayat nagpatupad ang Manila Water ng schedule para sa pagrarasyon ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila east region. Magugunita na mismong si Pangulong Duterte ay galit na nagtanong kung bakit ganito ang nangyari.

Bahagi ng rason, siyempre pa, ay ang hindi sapat na ulan sa bansa ngayong taon. Walang sapat na bagyo na dumaan sa atin ngayong taon, kayat ang tubig sa Angat Dam, ang pangunahing pinagmumulan ng tubig sa Metro Mnaila, ay bumagsak sa below normal levels.

Ang krisis ay nagbunga ng desisyon na magtayo ng Wawa Dam bilang karagdagang pagmumulan ng tubig para sa Metro Manila. Ang maaaring isang mas malaking pagmumulan ay ang Kaliwa Dam ngunit ang plano ay nabalot ng ilang problema kabilang na ang pagtutol ng mga katutubo na ang mga komunidad ay malulubog sa tubig kapag itinayo ang Kaliwa Dam. Mayroon pang ibang mga panukala, kabilang na ang pagkuha ng tubig mula sa Laguna de Bay at mula sa mga balon.

Maaaring hindi natin mapansin ay ilang buwan na lamang ay summer na. Ang maaliwalas na panahon ng kasalukuyan ay sunod na magbibigay-daan sa init ng tag-araw sa Marso, Abril, at Mayo.

Nagsagawa na ng mga hakbang ang Department of Energy, kabilang ang paghiling sa Meralco at iba pang power distribution facilities na palakasin ang mga kontrata sa power producers, upang hindi na maulit ang sabay-sabay na shutdowns ng power plants nitong 2019. Bakit nga ba sabay-sabay na inii-schedule ng power plants ang kanilang taunang shutdowns – at sa tag-araw pa kung kailan higit silang kailangan.

Ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System ay kailangan na magsagawa ng mga parehong hakbang ngayon pa lamang upang matiyak na hindi na ulit magkakaroon ng panahon ng pagrarasyon ng tubig sa tag-araw ng 2020.