“ANG pagtigil ng labanan ay ang pinakahihintay na regalo sa sambayanan sa panahon ng kapistahan,” wika ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate. Pinapurihan niya si Pangulong Duterte sa kanyang pansamantalang pakikipagsundo para itigil ang labanan. Ganito rin ang naging reaksyon ni Sen. Ping Lcson sa deklarasyon ng Pangulo kaugnay sa tigil-putukan. “Walang hihigit sa kahilingan ng bawat Pilipinong nagmamahal ng kapayapaan ngayong Kapaskuhan kundi ang napagkasunduang tigil putukan sa pagitan ng gobyerno at CPP/NPA/NDFP na tatagal hanggang sa kanyang inaasahan,” wika niya.
Ang problema, iniulat ng media nitong Disyembre 24 ang paglulunsad ng mga pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang marahas na pag-atake nito sa mga umuurong na sundalo sa Labo, Camarines Norte, Tubungan, Iloilo at probinsiya ng Quezon nitong Lunes ng umaga, ilang oras matapos ang unang araw ng implementasyon ng holiday truce. “Treacherous”, ganito inilarawan ni Major General Fernando Trinidad, commander ng Joint Task Force Bicolandia, ang pag-atake sa miyembro ng 92nd Division Reconnaissance Company (92 DRC) ng Philippine Army. Nangyari ang pag-atake dakong alas 9:00 ng umaga sa Barangay Baay nang paalis na ang mga sundalo sa kanilang deployment. Ayon kay Trinidad, nang makarating ang tropa sa Barangay Baay patungo sa kanilang barracks, bigla silang pinaulanan ng bala ng hindi pa mabilang na armadong kalalakihan. Kasunod nito ay pinasabog ng mga suspect ang isang improvised explosive device (IED) na nagresulta sa kamatayan ng isang sundalo at pagkasugat ng anim na iba pa.
Kinondena ni Trinidad ang pag-atake at binira ang CPP-NPA-NDFP ng “gross violation” ng crossfire. Pero, ayon kay Fidel Agcaoili, chair ng peace panel ng NDFP, ang pananambang na nangyari sa Camarines Norte at Iloilo ay nakabatay lamang sa mga press releases ng mga militar at pulis. “Naririto na naman ang nais sumira ng kapayapaan, kabilang ang imagined assassination plot laban sa Pangulo,” sabi pa ni Agcaoili. Kung totoo nga naman ang pananambang, bakit hindi inilabas ang pangalan ng mga sundalong nasawi at nasugatan? Ayon kay Major Ricky Aguilar, 9th Infantry Division public affairs chief, hindi pa ito naipapaalam sa kanilang mga pamilya. Mababaw itong dahilan para balewalain ang tinuran ni Agcaoili.
Baka maging kapani-paniwala ang mga pananambang na ito kapag may dinalaw na at pinarangalan ang Pangulo na sundalong nasawi at nasugatan, na lagi niyang ginagawa.
Binuksang muli ng Pangulo ang pinto ng kapayapaan na sinusuportahan ng taumbayan. Dapat tulungan ng media ang mamamayan tulad ng pagtulong na ginawa nito sa kanila sa isyu ng Maguindanao o Ampatuan massacre. Kung may pagkakataon, anumang press release, ke ito ay galing sa gobyerno, pulis at militar o sa CPP-NPA-NDFP, ay dapat alamin kung ito ay may batayan. Kung wala, sabi nga ni UP professor Luis Teodoro, huwag ilathala dahil hindi ito balita. Kung wala namang pagkakataon para malaman ang katotohanan ng press release, ilathala ito, pero kunin at ilathala rin ang panig ng kabila. Napakahalaga ng papel ng media sa usaping ito. Maaaring maunsyami na naman ito, pero sa tulong ng media, malalaman ng taumbayan kung sino ang nagtalusira at nais na huwag magkaroon ng kapayapaan sa bansa.
-Ric Valmonte