CEBU CITY – Sa kanyang huling ratsada sa harap ng local crowd, siniguro ni PBA-bound Will McAloney na mabibigyan niya ng kasiyahan ang mga kababayan sa 2019-20 Chooks-to-Go/MPBL Lakan Cup.

Pinangunahan ng University of San Carlos product ang ratsada ng Casino Alcohol sa naiskor na 19 puntos mula sa 7-of-10 shooting at 15 rebounds at dalawang blocked shots para sa 72-66 panalo kontra GenSan kamakailan sa SWU-Aznar Coliseum.
“Sobrang saya kasi mas lalong merry yung Christmas namin. Iniisip ko kasi yung magawa ko yung trabaho ko at anong maitutulong ko sa team,” pahayag ni McAloney.
Napili si McAloney bilang 15th overall pick ng NLEX Road Warriors sa nakalipas na 2019 PBA Regular Draft.
“Sobrang saya kasi dati pinapangarap ko lang na maging player at makilala sa lugar namin e, ngayon parang marami na nakakakilala sa akin,” sambit ng 26-anyos.
“All out naman ako every game kasi kung wala yung team Cebu ‘di rin naman ako magiging ganito at every game ibibgay ko yung one-hundred percent ko. Of course, dream ko makapag-PBA talaga, pero tutulungan ko pa rin yung team ko na makapasok sa playoffs.”
Sa pangunguna ni McAloney, umabante ang Cebu sa Southern Division tangan ang 10-12 karta.
Samantala, pinangunahan ni Gab Banal ang Bacoor City Strikers sa 86-63 panalo kontra Makati Super Crunch squad para manatiling No.2 sa Southern Division na may 19-5 standing.