KUNG magbabalik tanaw sa nakalipas na UAAP Season 82 men’s basketball tournament, iisiping madali ang naging kampanya ng nagkampeong Ateneo de Manila matapos nilang magtala ng makasaysayang 16-0 sweep upang makamit ang makasaysayang ‘three-peat’.

Subalit, kung sila ang tatanungin at hihimayin ang kanilang mga pinagdaanan, hindi biro ang dinanas ng Blue Eagles sa kanilang naging preparasyon.

Kaya naman hindi maitago ni coach Tab Baldwin, ang pagmamalaking nararamdaman para sa kanyang mga players na sina SJ Belangel, Will Navarro, Gian Mamuyac, BJ Andrade, Tyler Tio, Paat Maagdenberg, Jason Credo, Geo Chiu, Troy Mallilin, Matthew Daves, Adrian Wong, Angelo Kouame, Isaac Go, Matt at Mike Nieto at Thirdy Ravena sa nagawa nilang rekord.

Nilagpasan nila ang dating rekord na 14-game sweep na naitala ng University of Santo Tomas team na ginabayan ni coach Aric del Rosario noong 1993.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Kinailangan ng Ateneo na magsanay at magtungo ng Singapore gayundin sa Greece at Australia para lamang paghandaan ang naitala nilang perpektong season.

Una nilang winalis ang 14 na laro sa double round eliminations kaya direkta silang umusad ng Finals kung saan winalis din nila ang UST Tigers (2-0) upang makamit ang titulo.

“The 16-0 season is really something that we dreamed about. We didn’t talk a lot about it because we never wanted to set that as a goal. But I know that the players particularly dream about it and it is a dream season to go through unblemished,” ani Baldwin.

Para kay Baldwin, hindi biro ang ginawang pagsasakripisyong ginawa ng kanyang mga manlalaro lalo na ng kanilang tinatawag na “ego” para sa kanilang naging paghahanda.

“They’re (Eagles) so much more than basketball players. It humbles me. It’s very humbling when these men sacrifice their ego,” aniya.

Sa NCAA, naging sorpresa naman ang pagsalta ng Colegio de San Juan de Letran sa Finals at paggapi nito sa dating 3-peat titlist San Beda upang makamit ang Season 95 men’s basketball crown.

Tinalo nila ang kanilang mahigpit na karibal na Red Lions, 2-1 sa finals upang biguin ang mga ito na makopo ang target na ika-23 pangkalahatang korona.

Ito’y sa kabila ng pagkakaroon nila ng All-Filipino o homegrown players sa pangunguna nina Jerrick Balanza, Larry Muyang at Fran Yu.

Napigil din ng Knights ang hangad sanang season sweep ng Red Lions matapos nitong walisin ang 18 laro sa elimination round.

Dahil sa panalo, nakamit ng kanilang coach na si Bonnie Tan ang una nitong kampeonato sa liga.

-Marivic Awitan