MALIGAYANG PASKO sa lahat! Umaasa akong ipinagdiriwang ninyo ang holiday kasama ang inyong mga kaibigan at mahal sa buhay habang namamahinga para sa susunod na taon. Ang Pasko ay tungkol sa pag-asa at kaligayahan. Isa itong paalaala na sa kabila ng lahat ng ating mga problema kaya natin itong malampasan at bumuo ng masayang buhay para sa ating pamilya.
Batid ko ito dahil ito ang kuwento ng aking buhay. Isang buhay na umaasa akong magiging inspirasyon para sa maraming tao upang higit pang pagyamanin ang kanilang ‘passion’ kasama ng pagsisikap at tiyaga, upang manalig at magkapagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya at sa bansang ito.
Sa aking kaso ang malaking pananalig ko ay sa porma ng isang second-hand na pulang truck na binili ko gamit ang P10,000 na loan. Makikita pa rin ang pulang truck na ito na naka-display sa Starmall Alabang. Ang truck na ito ang naging simbolo ng pagbabago sa aking buhay.
Iniwan ko ang mundo ng korporasyon upang ituloy ang aking unang negosyo bilang supplier ng mga seafood para sa mga restaurants sa Maynila. Hindi ito gumana dahil kapag hindi na makabayad ang aking mga kliyente ng kanilang utang, hinahayaan ko na lamang ibenta nila sa akin ang mga meal tickets na makatutulong naman sa kanila upang mabayaran ang mga seafood na nai-deliver ko sa kanila. Hindi ako sumuko. Alam ko na ang tagumpay ay makakamit kasama ng tiyaga at pagsisikap.
Kaya naman armado ng ‘loan’ at ‘gung-ho’ attitude, ginamit ko ang mga reconditioned truck na binili ko upang makapagdala ako ng graba at buhangin para sa BF Homes sa Paranaque City. Ako ay 25-anyos at may-ari ng Metro Gravel and Sand. Wala akong pondo para sa marketing at sales kaya naman madalas na pumupunta ako sa mga lugar kung saan itinatayo ang mga bahay upang maialok ko ang aking serbisyo.
Sa pagde-deliver, nagawa kong maging pamilyar ang aking sarili sa kalakalan at unti-unti ay matuto sa negosyo ng pagtatayo at pagbubuo ng mga bahay. Hindi ko kailanman naplano na maging isang real estate business man ngunit kumbinsido ako na maging isang negosyante, kailanganin ko mang magtayo ng bakeshop, trucking, o maging tagabenta ng spare parts.
Sa ganitong daan ako nakapasok sa industriya. Nakita ko kung paano itinatayo ang mga bahay at kung paano tatakbo ang negosyong ito. Ang una kong kliyente ay isang OFW (overseas Filipino worker) na ang bahay na nasa loob ng BF Resort. Dahil nakita ko ang pangangailangan ng tao para sa murang bahay, nagdesisyon ako na magtayo ng maliliit na bahay at dito nalikha ang Camella. Nagsikap din akong gamitin ang aking estratehiya ng pag-aalok ng bahay at lote sa halip na lupa lamang, na karaniwan sa panahon noon.
May mga nagpayo sa akin na huwag na itong ituloy, sa pagsasabi na kakaunti lamang ang may gusto na bumuli ng maliit na bahay. Ngunit kaagapay ang suwerte at nakuha ko ang tamang sangkap. At tulad nang sinasabi nila, the rest is history.
Ang pulang truck na iyon ang nagbigay daan sa akin upang maging isang negosyante. Kaya naman napakasaya ko, at nagbabalik sa akin ang mga alaala kapag nakikita ko ito. Sa isang banda, ang truck na iyon ay isang simbolo ng determinasyon. Isang lumang truck na malapit nang matapos ang buhay ngunit nabigyan ng pangalawang pagkakataon at naging instrumento ng pag-asa. Sa halip na maging patapon, nagamit ito sa kapaki-pakinabang na bagay at nakatulong sa pag-abot ng pangarap ni Manny Villar.
Umaasa akong isa ito sa mga bagay na baunin natin ngayong Pasko. Na may pag-asa para sa mas magandang buhay. Na ang pag-asa ay nakaangkla sa iyong hangarin kasama ng pagsisikap at tiyaga upang maging realidad ang isang pangarap.
Mula sa aking pamilya para sa iyong pamilya, Maligayang Pasko po sa inyong lahat!
-Manny Villar