GAGANAPIN ang Palarong Pambansa sa Marikina City.

Ito’y makaraang mapili ang lungsod bilang bagong host ng taunang school-based multi-sports meet para sa mga atletang mag-aaral na nasa elementarya at high school student-athletes kasunod ng pag-urong ng orihinal na host na Mamburao, Occidental Mindoro.

Ang naging malaking pinsala sa lalawigan dulot ng nakaraang bagyong si Tisoy ang naging pangunahing dahilan sa pag-atras ng Mamburao bilang host ng Palaro.

Ang kanilang pag-urong bilang host ng Palarong Pambansa ay suhestiyon na rin ng tanggapan ng disaster risk management ng Occidental Mindoro.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Kinumpirma naman ni Department of Education Undersecretary Revsee Escobedo ang pagkapili sa Marikina bilang kapalit ng Mamburao batay sa memorandum na ibinigay nito kay Marikina Schools Division officer-in-charge Sheryll Gayola.

Kaugnay nito, magpapadala ang Palaro secretary-general na si Escobedo ng management team sa Marikina Sports Center sa Biyernes para magsagawa ng inspeksiyon sa mga magiging venues ng mga laro.

Ito ang unang pagkakataon na magiging host ang Marikina City ng Palarong Pambansa at unang pagkakataon na bumalik ang Palaro sa Metro Manila mula noong 1966.

-Marivic Awitan