MALIGAYANG PASKO sa lahat! Hindi ko na muna isasama ang MANIGONG BAGONG TAON dahil sa susunod na linggo pa ito. Sana ay maging maligaya ang araw na ito sa atin sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Sana ay maging masaya tayo sa piling ng pamilya at mga minamahal.
Ang Pasko ang kapanganakan ng Panginoong Hesukristo. Siya ay isinilang sa abang sabsaban, simbolo ng kapakumbabaan. Ang mensahe Niya ay pagmamahalan, pagkakasundo, pagkakapatawaran at pagkakaisa.
Sana naman ay masunod natin ang mensaheng ito ng anak ng Diyos na nagkatawang-tao para tubusin ang sala ng sangkatauhan. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan kung kaya ipinadala Niya ang bugtong na anak upang sagipin at iligtas ang mga nilalang sa mundo na puno ng pagkakasala sa pamamagitan ng pagpapahirap at pagpapako sa Kanya sa krus.
Siyanga pala, noong nakaraang buwan dinalaw tayo ni Tisoy, isang malakas na bagyo na grabe ang pinsalang idinulot sa maraming parte ng bansa. Naging maganda ang paghahanda ng iba’t ibang ahensiya, kabilang ang Meralco, na ipinamalas ang serbisyo sa nangawalan ng kuryente, nagsitumbang poste at iba pa. Malaki ang pinsalang idinulot nito sa Bicolandia na tumama noong Disyembre 2.
Apektado ni Tisoy ang franchise area ng Meralco, halos 2.78 milyong customers o 42% ang nawalan ng suplay, pero 1.62 milyon lang o 24% ang dumanas ng brownout. Parang gold medalist sa Sea Games ang bilis ng Meralco para bigyan sila ng kuryente dahil 11pm lang ng Disyembre 5 ay naibalik na ang primary line facilities.
Bukod sa 24/7 pagkukumpuni sa kanilang franchise area, tumulong din sila sa labas ng kanilang area at nagpadala ng mga tauhan sa Bicol upang tulungan ang Albay Electric Cooperative (Aleco) sa restoration work. Nagpadala ang Meralco ng 11 sasakyan, gaya ng pick-up trucks, augers, stake at book trucks, utility pick-ups atbp.
Batid nating mahalaga ang pagkakaloob ng tuluy-tuloy na serbisyo ng distribution utility, pero madalas ding pag-usapan ang presyo. Kamakailan, inanunsiyo ng Meralco ang konting pagtaas ng singil ngayong Disyembre. Magiging P9.86/kwh ang singil o halos P.030/kwh kumpara sa nakaraang buwan. Kahit na 3 buwan tayong nakaranas ng pagtaas, kung ikukumpara sa presyuhan sa nagdaang taon, mababa pa rin ito kumpara sa singil ng kuryente noong Marso, Abril at Mayo 2018, na lumampas sa P10/ kwh.
Sa pagtutuos, mas mababa pa rin ang singil ng kuryente ngayon kumpara sa nagdaang mga taon--2013, 2014 at 2015. Naglalaro sa P10/kwh hanggang P13/kwh ang singil noon. May pag-aaral na ginawa si Dr. John Morris ng International Energy Consultants, at sinabing hindi lang tuluy-tuloy ang pagbaba ng singil ng Meralco sa loob ng 5 taon kundi puwede pang ikumpara sa presyo ng kuryente sa ibang bansa.
oOo
Sa kanyang 761-pahinang desisyon sa Maguindanao massacre, inutos ni Quezon City Regional Trial Court Jocelyn Solis-Reyes na pagbayarin ang mga Ampatuan ng bayad-pinsala o danyos na P155.6 milyon sa mga biktima at pamilya nila. Hinatulan niya ang mga Ampatuan at iba pa ng habambuhay na pagkabilanggo o 40 taon nang walang parole.
Talagang pambihira ang mga Pinoy. Sa kabila ng lahat ng pagsubok sa buhay, 93% ng ating kababayan ang umaasa sa pagkakaroon ng mabuting buhay at kalagayan sa 2020. Samakatwid, 9 sa 10 Pilipino ang sasalubong sa New Year nang may pag-asa at kalahati sa kanila ay umaasam ng “more prosperous holidays.”
-Bert de Guzman