PRODUKTIBO ang naging kampanya ni two-time world champion Rubilen Amit sa taong 2019.
Matapos magwagi ng gintong medalaya sa katatapos na 30th Southeast Asian Games, nanatiling isa sa pinakamabagsik na lady cue master sa mundo ang 27-anyos na si Amit.
Sa pinakabagong world ranking na inilabas ng World Pool-Billiard Association (WPA), nasa No.3 ang Pinay billiards icon sa likod ng dalawang Chinese rival tangan ang kabuuang 9,173 puntos.
Nakaptas si Amit ng 5,323 puntos sa pagiging runner-up sa 2019 World 9-Ball China Open at karagdagang 3,850 puntos sa fourth-place finish sa 2019 Women’s World 9-Ball Championship sa Sanya, China.
Tumalon naman sa No.14 mula sa malayong No.25 puwesto ang isa pang Pinay cue master na si Chezka Centeno na may kabuuang 4,657 puntos. Nakalap niya ang 2,200 puntos sa World 9-Ball at 2,457 puntos sa China Open.
Umusad din ang ranking ng iba pang Pinay players na sina Floriza Andal at Iris Ranola. Kabilang ang dalawa sa siyam na players na magkakasama sa No. 41 tangan ang parehong 1,650 puntos.
Lider sa taong 2019 si Chen Siming ng China na may 10,970 puntos kasunod ang kababayang Yu Han (9,480).
Nasa Top 10 naman sina No. 4 Kelly Fisher ng Great Britain (8,776), Jasmin Ouschan ng Austria (8,226), Liu Sha Sha ng China (7,480), Xiao Fang Fu ng China (6,757), Zhang Muyan ng China (6,026), Chou Chieh-Yu ng Chinese-Taipei (5,676) at Huan Qingning ng China (5,207).