NAKALULUNGKOT na may mga taong hindi magtrabaho ng patas kung gustong kumita lalo ngayong Kapaskuhan.

Kaya namin nasabi ito ay dahil may nahuling nagbebenta ng MMFF passes na pinost pa mismo sa Facebook page niya na ang nakalagay, “sino po gusto mag-avail? Metro Manila Film Festival Movie Ticket, lahat-lahat na ‘yan. PM me for orders and reservations. No to cancellation!”
At dahil marami na sigurong nagtatanong ay muling nag-post ang nagbebenta ng, “maliligo lang po ako, later po ako sasagot ng inquiries ulit. Salamat po.”
Dagdag pa, “sa lahat po ng nandito na mga orders sa bahay, pa PM na lang po ako. Hindi kaya ng inyong lingkod na makipag-meet up today. For pick-up po dito sa bahay. Thank you.”
Nakakatawa dahil sa post na ito ni Hanna Evangelista ay natunton tuloy siya ng mga awtoridad.
Base sa post ni MMDA spokesperson, Noel Ferrer, “URGENT MEDIA ADVISORY:
“May nahuli sa entrapment ops (operation) na nagbebenta ng MMFF passes. Proceeding now sa CIDG, SPD Compound sa Villamor.
“PLEASE DON’T BE FOOLED BY THESE PEOPLE WHO SELL MMFF PASSES. Miss Evangelista is now with the police. And those who bought and will be caught using these fake passes may be held criminally liable too! #45thMMF.”
Tinanong namin si Noel kung paano nagkaroon ng bentahan, “may printing press na kakuntsaba, Kapatid! Tinutugis na rin.”
Binanggit namin na madaling gayahin pala at dapat may bantay 24/7 ang printing press habang isinasagawa ang mga passes.
“Kapatid, may security code na parang pera ang mga tickets. ‘Yung umiilaw a security code na hindi magagawa,” katwiran pa ni Noel.
Sabagay, hindi na ito mahahalata ng mga takilyera kapag sumabay na sa maraming tao dahil abala pa ito kung iisa-isahin nilang i-check.
Gusto naming maawa kay Ms Hanna Evangelista dahil ilang araw na lang at Pasko na ay ito pa ang sinapit niya. Tsinek namin ang kanyang FB page pero hindi na namin mahanap.
-Reggee Bonoan