WINALIS ng Muntinlupa Volleyball Club ang Philippine Volleyball Federation-Tanduay Athletics U18 Beach Volleyball Championships for boys and girls nitong Linggo sa indoor/outdoor sand courts ng Tanduay Athletics Volleyball Center (dating Cantada Sports Center) sa Taguig City.
Ginapi ng MVC ang St. Thomas More of Bacoor, Cavite sa girls division, habang nanaig kontra Prenza National High School of Marilao, Bulacan sa boys class sa nine-team tournament na inorganisa ni PVF president Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada sa pakikipagtulungan ng Tanduay Athletics.
Bukod sa libreng entry fee, pinagkalooban din ng PVF – tanging sports body sa volleyball na kinikilala ng International Volleyball Federation (FIVB) -- ang lahat ng atletang lumahok, opisyal at tagasuporta ng libreng inumin, pagkain at gift pack kaloob ng Tanduay Athletics, Vitamilk at Toyota Marilao.
Ang beteranong volleyball organizers na si PVF Managing Director at UAAP Women's Volleyball Commissioner, Dr. Otie Camangian ang nagsilbing Tournament Director, habang pinangasiwaan nina PVF'S FIVB International Referees Nestor Bello at Yul Benosa, National Referee Level 3 Bob Malenab at National Referee Edz Lagmay ang officiating.
Ang libreng torneo ay isinagawa bilang pagpupugay sa namayapang si Lucio ‘Bong’ Tan, Jr. – ang masugid na tagapagtaguyod ng torneo at volleyball sa kabuuan.