PUNUMPUNO ang SM Megamall Cinema 4 sa ginanap na Black Carpet Event ng Celebrity Gala Night at Metro Manila Premiere ng pelikulang Culion sa pangunguna nina Iza Calzado, Jasmin Curtis Smith, Joem Bascon, Meryll Soriano at iba pang cast ng pelilkula.

Napakalalim ng istorya ng Culion dahil ipinaalala at ipinakita sa lahat lalo na sa Millennials na hindi alam kung anong istorya meron dito, sabi nga mahirap kalimutan ang mga alaala ng kahapon.
Noong panahon kasi namin, Generation X, ay sa subject na History ay pinag-aralan namin ang mga taong maysakit na ketong o leprosy at kung paano sila inaalagaan at nabubuhay noong nasakop tayo ng mga Amerikano.
Sinimulan ang kuwento ng pelikula noong 1906 sa isla ng Culion sa Palawan, ang naging tirahan ng mga taong ketongin o leper na malayo sa kabihasnan para hindi sila makapanghawa ng iba.
Maayos ang pamumuhay ng mga leper dahil normal nilang naisasagawa ang lahat ng gusto nila sa buhay, maliban siyempre na sila-sila lang din ang nagkikita at nagkakagustuhan. Regular ang check-up nila para malaman kung sila’y magaling na o hindi pa.
Maraming tulong ang nagpapadala sa mga taga-Culion na galing sa ibang bansa kaya kahit walang trabaho ang mga tagaroon ay nakakain sila tatlong beses sa isang araw.
Idineklarang leprosy-free na ang Culion noong 2006 ng World Health Organization (WHO) at ang nasabing isla ay naging historical site at kamakailan ay naging museo na rin na tinawag na Culion Museum and Archives documents, the colony’s history. Bukod dito ay naging Philippine National Culture Treasure nitong 2019.
Gusto namin ang pelikula dahil ang Culion ay kuwento ng pag-asa.
Speaking of pag-asa ay may tsansang manalo ang mga nagsiganap na sina Iza, Jasmin at Meryll sa pagka-best actress, bet namin ang pelilkula sa Best Production Design.
Ang Culion ay mula sa direksyon ni Alvin Yapan produced nina Shandi Bacolod at Gillie Sing ng iOptions Ventures Corp.
-REGGEE BONOAN