ANG 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon na produced, idinirihe, at pinagbibidahan ni Coco Martin ang pelikulang kasali sa 2019 Metro Manila Film Festival na pinakamarami ang nabigyan ng trabaho sa mga artista.
Bukod sa leading lady na si Jennylyn Mercado at gaganap bilang kanyang ina na si Ai Ai delas Alas, kasama rin sa 3Pol Trobol sina Sam Milby, Edu Manzano, Tirso Cruz III, Joey Marquez, Carmi Martin, Mitch Valdes, John Prats, Jojit Lorenzo, Mark Lapid, Bianca Manalo, PJ Endrinal, Super Tekla, Boobsie Wonderland, Marc Solis, Lester Llansang, John Medina, Donna Cariaga, Noong Ballinan, Joven Olvido, Sancho delas Alas, Bassilyo, Smugglaz, Happy, Soliman Cruz, Jhong Hilario, Ping Medina, Kim Molina, Pepe Herrera, Long Mejia, Lou Veloso, Marissa Delgado, Whitney Tyson, Bernard Palanca, Ali Khatibi, Paolo Paraiso at Ivana Alawi.
Matagal na ring nai-announce na may special participation sa pelikula si Manila Mayor lsko Moreno.
Kung gagana ang strategy ni Coco, pinagsama-sama ang maraming artista mula sa ABS-CBN at GMA-7, malaman sa hindi’y makuha na niya ang pangunguna sa box office ngayong MMFF 2019.
Parehong malaki ang kinikita nina Ai Ai at Jennylyn sa mga nakaraang MMFF. Sa pagsasanib-puwersa nilang tatlo kasama ang napakaraming Kapuso at Kapamilya stars, hinihintay ng maraming showbiz observers kung mapapalitan na ni Coco ang pamamayagpag ni Vice Ganda sa MMFF box office race.
Gumaganap si Coco sa 3Pol Trobol bilang si Apollo “Pol” Balbon bilang mapagmahal na anak ng single mom na si Mary Balbon (Ai Ai). Bodyguard si Pol ng executive director ng National Defense Agency, na in-ambush nang matuklasan ang isang malaking anomalya. Bago namatay, may mahalagang impormasyon na sinabi sa kanya ang boss niya.
Pero bago pa man niya nai-report sa mga kinauukulan ang nangyari, siya na ang itinuturong suspect sa pagpatay sa kanyang boss. Ang may pakana ng lahat ay si Senator Simeon (Edu Manzano).
Habang hinahanap ng batas, gumawa ng paraan si Pol para matunton ang tunay na salarin, habang patuloy na sinisigurong ligtas ang anak ng kanyang boss na si Trina (Jennylyn). Pero hindi siya makabuwelo dahil laging nakabuntot kay Trina ang anak ng senador, si Andrew (Sam Milby).
Kailangan niyang maibunyag kay Trina ang tunay na kulay ng mga Simeon kaya napilitan siyang mag-disguise bilang si Paloma, na aniya’y kapatid ni Trina sa ibang ina.
Na-shock man, sinikap ni Trina na tanggapin ang natagpuang kapatid, pero lalo lang naging kumplikado ang buhay ni Pol dahil dito.Action-rom-com ang 3Pol Trobol na buong pusong ipinagmamalaki ni Coco dahil naiprodyus niya nang walang katuwang na big outfit.
-DINDO M. BALARES