KASALUKUYANG umeere ngayon sa iWant ang digi-series na Manilennials mula sa Spring Films at Barrio Dos na idinirek ni E. Del Mundo na sinulat ni Joshua Lim So.
Sa henerasyon ngayon na tinawag na Milennials ay nakaisip gumawa ang direktor at nagsulat ng series na tatalakay sa bawa’t takbo ng buhay nila kaya naging Manilennials.
Kadalasang tawag sa mga millennials ngayon ay mga tamad dahil mas gusto nilang kausapin ang gadgets nila kaysa sa mga miyembro ng pamilya at kung sakaling magkakasama naman ay hindi pa rin nawawala sa tabi nila ang mga ito.
Base sa ginanap na screening para sa ilang episodes ng Manilennials ay isa itong dark-comedy sa pangunguna nina Fifth Solomon (Kiko), isang pa-bibong bakla, frustrated sa karera at sa madaling salita, isa siyang BUM.
Susundan ni Chai Fonacier (Yeye) at galing Cebu na mahusay na artist at dahil naniniwalang magaling siya at matalino na totoo naman kaya lumuwas ng Maynila para hanapin ang suwerte. Pero hindi ganu’n kadali ang humanap ng trabaho kaya nasubukang tumira sa tabi-tabi at nagkaroon ng sexual experience sa iba’t ibang klase ng pagkatao, isa siyang pansexual.
Ikatlo si Nicco Manalo na isang call center agent pero wala rito ang puso niya dahil gusto niyang maging rapper na nangyari naman kaso may mga pasubok na nangyari sa kanya.
Isang transwoman si Mela Habijan kaya ito rin ang karakter niya sa Manilennials na gustong umasenso kaya lahat ng raket sa catering ay pinasok at wala ring panahon na magkaroon ng lovelife pero nang makilala si Carl Medina, isang burger cook ay nabago ang buhay nito.
Panghuli si Ria Atayde as Missy isang brat at pre-law student na masyadong idealistic sa maraming bagay kaya nahihirapan siyang magkaroon ng karelasyon dahil takot na maranasan din niya ang mga naranasan ng nanay niya sa tatay niya.
Umabot sa 12 episodes ang Manilennials na umikot ang kuwento sa bawa’t isa sa kanila at may reunion naan sila sa nalalapit na pagtatapos nito.
Star-studded ang digi-series na ito dahil pawang malalaking artista ang binanggit na nagkaroon ng cameo role tulad ni Eddie Garcia (SLN) at iba pa.
Isa si JM de Guzman sa guest at partner niya si Ria na ikinagulat daw ng dalaga ng malaman niyang kasama ang aktor na nali-link sa kanya.
“I was so surprised na nandoon siya kaya nu’ng nakita ko siya, nagulat ako at sabi ko lang, ‘ikaw? Okay hello. Kasi ‘yung description hindi siya (JM) tapos bilang, ah okay, so siya (nga),” say ni Ria.
Nagustuhan din ng dalaga na maraming nag-cameo sa Manilennials, “kasi they actually gave the talking roles to actual actors instead of hiring talents. They really invested on it kasi personally, that’s a big deal ‘di ba? Kasi kung nanonood ka tapos ‘yung acting hindi mapantayan, nakakasira ng eksena, I guess? Kaya nakakatuwa na ganu’n ang ginawa (puro sikat ang nag-cameo).
Maraming kuwento ang Manilennials kaya posibleng magkaroon ito n Season 2 kapag tinangkilik ng mga milenyo’t milenya ang palabas na ito sa iWAnt.
-Reggee Bonoan