NAGKAROON ng exclusive screening ang 3pol Trobol: Huli Ka Balbon sa VIP Cinema Parkway, Fisher Mall nitong Huwebes nang gabi at unang eksena palang big scene na kaagad sa may Carriedo Street Sta. Cruz, Manila kung saan nahuli nina Rowell Santiago bilang undersecretary ang mga ipinupuslit na armas na dapat sana ay para sa gobyerno pero kinurakot nina Edu Manzano at Tirso Cruz lll bilang senador at congressman na matalik na kaibigan ng una.
Nadaanan sila ni Coco bilang si Apolonio Balbon na isang Criminology student na tumulong para iligtas si Rowell at ang ilang kasamahan niya hanggang sa inalok siya bilang personal bodyguard pag nakatapos na siya.
Dumating ang araw na nakipagkita si Balbon kay Santiago at ilang araw palang nagta-trabaho bilang private bodyguard ay naharap na sa matinding pagsubok dahil pina-ambush ang boss niya ng mga kaibigan nito dahil nabuking ang mga kalokohan nila.
Si Jennylyn Mercado ay anak ni Rowell na dumating galing Amerika at nanganganib din ang buhay kaya kailangan siyang protektahan ni Coco at dito na lumabas ang isa pang karakter sa pelikula, si Paloma.
Paglabas palang ni Paloma sa eksenang dinalaw niya sa sementeryo si Rowell at panay ang sambit ng ‘daddy’ na inakala ni Jennylyn na anak din siya at dito na naisip ni Coco na magpanggap bilang anak din siya kaya tawanan na ang lahat as in at ang mga batang nanood din ay panay ang tanong ng, “is he a she?”
Grabe, ang ganda-ganda ni Paloma to the max, pinagmamasdan namin ang mga wig na ginamit niya, hindi halata, huh! At ang kinis niya at super sexy pa.
Ito ‘yung kuwento ni Coco sa grand presscon ng 3POL TROBOL: HULI KA BALBON na sa tanang buhay niya ay dito sa pelikulang ito siya nahirapan bilang aktor.
Paanong hindi siya mahihirapan, sabi ng aktor dalawang oras siyang mine-make-apan, ilang oras din siyang bibihisan kasama na ‘yung mga paglagay ng kung anu-ano sa katawan niya para magmukhang sexy. Ibang oras din ‘yung ire-rehearse niya ang sarili sa paglakad-lakad habang naka-heels.
Nang gamitin ni Coco ang karakter na Paloma sa FPJ’s Ang Probinsyano ay iisa lang ang itsura nito, pero sa 3POL TROBOL: HULI KA BALBON ay apat ang itsura at iba-iba kulay ng wig pati make-up.
Isa kami sa humagalpak ng tawa sa eksenang nilalandi ni Sam at nagpapalandi naman si Paloma dahil napaka-natural na maghahalikan na lang ng biglang sumigaw si Jennylyn na anong ginagawa nilang dalawa.
Aliw din ang eksenang nagbanyo si Coco at nahuli siya ni Maya Valdez kaya sa pagkakagulat ng aktor ay tumama ang ihi niya sa mukha ng aktres, in fairness hindi siya bastos as in, sobrang nakakatawa kaya pati mga bata ay nagtawanan din.
At dahil sa kamamadali ay hindi na nagawang maghugas ni Coco ng kamay kaya nang makipag-kamay siya kay Edu ay medyo basa at nang amuyin ito ay nandiri, ha, ha, ha.
Ang nakaka-baliw sa lahat ay ang naligo sa swimming pool sina Jennylyn at Coco at siyempre naka-swimsuit ang dalaga na sexy na sa lahat, pero nang tanggalin ng aktor ang kanyang suot ay na-shock ang lahat dahil naka T-back siya, ha, ha, ha.
Ito ‘yung kuwento ni Coco na pinitch niya kay Jen para lang pumayag, e, nagkasubuan na kaya kailangan niyang panindigan, wala siyang choice, ang sexy-sexy ni Paloma.
Maraming eksenang nakakatawa na talagang mage-enjoy ang lahat ng manonood kasama na ang mga bata dahil binigyan ito ng rating na Parental Guidance ng MTRCB.
May special participation si Yorme Isko Moreno sa pelikula at maganda ang karakter niya kaya isa rin ito sa aabangan ng lahat.
Habang nakikipagsuntukan at bumabaril si Coco ay naalala namin sa kanya si Da King, Fernando Poe, Jr dahil kuhang-kuha nito ang istilo, kulang na lang maging anak siya.
At nang lumitaw na si Paloma ay naalala namin si Mang Dolphy na lahat ng karakter ay nagawa na niya at ganito rin si Coco na walang takot na magbihis babae dahil confident siya sa pagkalalaki niya at higit sa lahat, ang ganda-ganda niya, ang kinis-kinis at kissable lips pa. Ang husay ng Glam Team na kinuha ni Coco, ang ganda niya sa lahat ng eksena.
Teka, hindi lang si Coco ang may ginawa, abangan din si Jennylyn na talagang hinabol-habol siya ni Kim Molina.
Pinupuri rin namin si Sam Milby bilang kontrabida at crush ni Jennylyn na inakalang gusto rin siya pero iba ang hangad nito. Forte talaga ng aktor ang kontrabida roles, parang mas natural ang acting niya at ang husay din niya sa action, huh.
Mabait talaga si Coco sa co-actors niya dahil binigyan niya ng mga trabaho dahil ang dami niyang isinama sa pelikula na kung tutuusin ay hindi naman kailangan, dahil mga nag-miron lang.
Masusundan kaya ulit ang tambalang Coco at Jennylyn? Ang ganda ng chemistry nila, huh! Bitin nga ang kissing scene nilang dalawa, may nagbawal kaya?
Hiningan kami ng reaksyon tungkol sa 3POL TROBOL: HULI KA BALBON, diretsong sabi namin, ‘in fairness ang ganda, matino at ang galing ni Coco.’ Sagot sa amin, “ano ka ba, lahat ng pelikula ni Coco matino, hindi mob a napanood ang Jack En Popoy?” Sinagot namin ng ‘hindi, Ang Panday ang huli naming napanood na pelikula ng aktor.’
Isa ang 3POL TROBOL: HULI KA BALBON sa mare-rekomenda naming panoorin ng buong pamilya simula sa Disyembre 25 produced ng CCM Film and Productions mula sa direksyon ni Coco Martin dahil tiyak na tatawa ang lahat lalo na ang mga bata, peksman hindi kayo mabubudol dito.
-REGGEE BONOAN