MALAKAS pa rin kaya ang signal ng Talk ‘N Text o magagapi ito ng boltahe ng Meralco Bolts?
Iwas pusoy ang Katropa na mahila sa do-or-die ang best-of-five semifinal series ng PBA Governors Cup sa pagtatangkang tapusin ang serye sa pagpalo ng Game 4 ngayon sa Ynares Sports Center.
Nakamit ng TNT ang 2-1 bentahe matapos ang naiposteng 101-97 panalo sa Game 3, at hangad ng Katropa na maangkin na ang pinag-aagawang finals berth sa paghaharap nila ng Bolts ganap na 6:45 ng gabi.
Ngunit, asahan na hindi ito magiging madali para sa Katropa.
Sisikapin ng Bolts na bumawi sa kabiguang natamo upang mapanatiling buhay ang kampanya na magpasiklab sa championship match.
“I really think it’s a game that we let get away from us,” ani Meralco import Allen Durham na nakagawa ng krusyal na error sa huling 11 segundo ng nasabing laban nang ibato nito sa labas ang bola na dapat sana’y ipapasa sa kakamping si Cliff Hodge na nagkataong nakatayo sa bench at hindi kabilang sa limang Bolts na nasa loob ng court.
Nangako silang babawi at tatratuhing finals ang susunod na laro.
“We gotta lay it all out on the line. We can’t worry about Game Five or anything. This is our championship, this is our final, we gotta win it. We gotta win it to keep going on,” ayon pa kay Durham.
-Marivic Awitan
Laro Ngayon
(Ynares Sports Center)
6:45 n.g. -- Meralco vs TNT