SA maraming kadahilanan, ang naging desisyon nitong Huwebes sa kaso ng Maguindanao massacre ay isang mahalagang bagay para sa ating bansa.
Una rito, isa itong tagumpay ng rule of law sa ating bansa. Inabot man ito ng halos sampung taon, ngunit patunay ito na buhay ang sistemang legal ng ating bansa. Inilabas ni Judge Jocelyn Solis Reyes ng Regional Trial Court ng Quezon City ang hatol na guilty, sa 57 bilang ng pagpatay sa nangyaring massacre sa Maguindanao noong November 23, 2009.
Sa pagsisimula ng kaso, idineklara ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang batas militar sa Maguindanao lalo’t ikinababahala na hindi maisasakatuparan ang normal na proseso ng pag-aresto at paghahain ng kaso sa probinsiya na mahigpit na kontrolado ng mga akusado. Inilipat ang pagdinig sa kaso sa Quezon City Regional Trial Court para sa kaparehong rason. Ngunit ngayon na tapos na ang trial at nailabas na ang desisyon, kung saan 43 ang nahatulan, sa pangunguna ng tatlong anak ni Governor Andal Ampatuan Sr.
Tinaguriang “single deadliest event for journalists in history” ang Maguindanao. Mula sa 58 biktima, 32 rito ang mamamahayag, na sumama sa partido pulitikal para tutukan ang paghahain ng certificates of candidacy sa nakatakda noong halalan. Hindi sila ang pangunahing pakay ng mga salarin, ngunit saksi sila sa naging pamamaslang. Ang karumal-dumal na pagkakapatay sa napakaraming mamamahayag ay maituturing na matinding pagyurak sa press freedom ng ating bansa.
Sa kabila ng maraming pag-aresto at kaso at hatol na naisakatuparan, may 80 iba pang suspek ang hindi pa kailanman naaresto at nakulong. Nananatili silang banta sa buhay ng mga nakaligtas na biktima at kanilang mga pamilya, gayundin para sa mga saksi. Ito ang dahilan kung bakit matinding seguridad ang ipinatupad, kabilang ang lock down sa Camp Bagong Diwa para sa pagbasa ng desisyon nitong Huwebes.
Nagmula ang hatol sa isang babaeng hukom. “I salute Judge Jocelyn Solis Reyes for her dedication and courage to stand or what is right and just,”pahayag ni Sen. Joel Villanueva. “There should be recognition of the legal prowess, commitment, and bravery of Judge Reyes who took the responsibility of deciding the case despite the threat to her life and her family,” sinabi naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, pangulo ng National Unity Party.
Itinampok ng kasong ito ang nagpapatuloy na problema ng mga private army at ilegal na mga armas sa bansa. Ang mga private army na ito ng mga political clan ay kalimitang malaking salik sa halalan para sa mga kongresista, gobernador, mayor, at iba pang lokal na opisyal; madalas na mas malaking isyu ito kumpara sa mga problema ng pamahalaan sa lokal na halalan. “It is truly tragic but true that the Maguindanao massacare is emblematic of the danger posed by private armies, militias, and paramillitaries, and how it has become one of the pillars of the reign of impunity in our country,” ayon kay House Deputy Minority Leader Carlos Zarate.
Napakahalaga ng kaso ng Maguindanao massacre, dahil sa maraming dahilan. Hindi man ito tuluyang natuldukan lalo’t maaari pa rin itong iapela na kalaunan ay hahantong sa Korte Suprema. Ngunit sa desisyong inilabas ni Judge Reyes nitong Huwebes, ay mahalaga bilang bahagi ng ating legal na sistema at isang malaking tagumpay para sa pananaig ng batas sa ating bansa