HANGGANG ngayon pala ay hindi pa inihahayag ni Pangulong Duterte ang kanyang statement of assets liabilities and networth (SALN) para sa taong 2018 gayong ang lahat ng taong gobyerno ay may hanggang Abril 20 para isumite nila ang kani-kanilang SALN.
Ayon sa Philippine Center of Investigative Journalism (PCIJ), sa kabila ng kanilang paulit-ulit na kahilingan sa Office of the Ombudsman at sa office of the Executive Secretary, Malacañang, bigo silang makakuha ng kopya nito. Ginawa silang bolang pingpong ng dalawang opisinang ito. Nagturuan ang mga ito kung kanino kukunin ng PCIJ ang kopya ng SALN ng Pangulo, gayong sa batas, ibinigay sa pag-iingat ng Ombudsman ang SALN ng Pangulo, Pangalawang Pangulo at iba pang mataas na opisyal ng gobyerno. Ayon sa PCIJ, ganito ang isinagot ni Ombudsman Martires sa mga kahilingan nito: “Pumunta kayo sa opisina ng Executive Secretary.” Eh itong si Martires ang isa sa mga mahistrado ng Korte Suprema na bumoto para mapatalsik si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Sa isyu mismo ng SALN, hindi sa impeachment na itinatakda ng Saligang Batas para mapatalsik ang ilang mataas na opisyal ng gobyerno, kabilang na nga rito ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema, kundi sa paramihan ng boto ng mga mahistrado ng Korte.Ginamit nilang batayan ang hindi pagsusumite ni dating CJ Sereno ng kanyang SALN na dapat umano niyang gawin nang siya ay nagtuturo pa sa Unibersidad ng Pilipinas.
Kaya, alam ni Ombudsman Martirez ang kahalagahan ng SALN. Iniugnay niya at ng kanyang mga kapwa mahistradong nagpatalsik kay dating CJ Sereno ito sa isyu ng karangalan at integridad. Kawalan ng mga ganitong kwalipikasyong mamuno ng isa sa tatlong departamento ng gobyerno – ang hudikatura – ang hindi pagsusumite ni Sereno ng kanyang SALN. Eh si Pangulong Duterte ang namumuno naman ng isa pang departamento, ang ehekutibo. Ikinatatakot ba ni Martirez na mangyari sa Pangulo ang nangyari kay Sereno dahil hanggang ngayon ay wala pang isinusumite ito sa kanyang tanggapan? Kung mayroon man ay baka magamit laban sa kanya? Kasi, hindi pa sarado ang isyung P2 bilyong pisong nakatagong yaman ng Pangulo sa bangko. Ito ang hinihingian sa kanya ng waiver ni dating Sen. Trillanes upang maungkat nito ang alam niyang pinaglalagakan ng salapi. Eh itinaya pa ni Trillanes ang kanyang posisyon noon sa isyung ito na kung wala siyang mailalabas o mapapatunayan ay magbibitiw siya.
Samantala, alam ni Martirez ang kanyang tungkulin sa bayan na sinabi niya nang manumpa siya na gagampanan ito nang buong katapatan. Bakit dito sa SALN ng Pangulo, hindi niya magawang magbigay? Eh ang opisina niya, kahit utang niya sa Pangulo ang kanyang pagkakahirang na mamuno dito, ay nilikha ng taumbayan sa Saligang Batas na may kaugnayan sa kanilang layuning transparency at accountability sa mga magpapatakbo ng kanilang gobyerno, tulad niya at ng Pangulo.
-Ric Valmonte