NAG-MELLOW na si Vic Sotto sa pakikipagkumpetensiya sa pataasan ng kita sa box office ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival.“Number one, ‘di ko na iniisip ‘yon,” sagot niya nang tanungin sa grand media launch ng Mission Unstapable: The Don Identity kamakailan.
“Graduate na ako sa paghahabol na maging top blockbuster. Ang sa amin na lang, sana maging successul ang festival in general.”Umaasa si Vic na malalampasan ng kabuuang kita ngayong taon ang total gross receipt last year na P1.06 billion.
“Feeling ko kaya, kasi ang line-up ngayong taon matitindi.”Kasama sina Pokwang, Maine Mendoza, Jake Cuenca, Jose Manalo, Wally Bayola nang humarap sa entertainment media, tiniyak ni Vic na masayang lalabas ng sinehan ang mga manonood ng Mission Unstapable.
“Definitely paglabas mo ng sinehan nakangiti sumasayaw ka ng Kapag Tumibok Ang Puso,” aniya.
Ginamit sa kanilang pelikula ang naturang hit ni Donna Cruz.For the first time, gaganap na kontrabida ni Vic si Jose na aminado namang nahirapan pero nag-enjoy sa shooting.
“Hirap! Kasi kung punchline dati ang ihahanap ko ng timing, ngayon kung paano maaasar sa akin si Bossing,” sabad ni Jose. “Iba kasi ang timing ng comedy, iba rin ang timing ng kontrabida. Pero natuwa rin ako na nabago ang mga ginagawa ko pero kinabahan ako na baka ‘di ko kayanin. Sana nagawa ko nang maayos.”
“Ang masasabi ko naman, maayos ang kinalabasan,” sabi ni Vic. Pinanood ko na noong isang araw, naaasar talaga ako kay Jose.
Hanggang ngayon naaasar ako sa kanya.”
Samantala, larawan ng proud father si Vic sa intimate interview namin sa kanya nang mapag-usapan si Pasig City Mayor Vico Sotto at maitanong ang naging viral photos nito at ni Gretchen Ho sa social media.
“Wala namang love life ‘yon, eh. I don’t think it’s the right time,” paglilinaw ng ama.”Sa ngayon, kung gaano siya ka-busy, mas magandang single siya. Alam mo, ang inspiration nu’n ‘yong mga kababayan niya sa Pasig.
“Mas okey na munang wala pa siyang ibang commitment para maibigay niya ang buong panahon niya sa paglilingkod niya sa Pasig. Gusto niya ‘yan kahit noong maliit pa siya. Gusto niyang magsilbi sa mga tao. Gusto niya ang politics, bagong politics, ‘yong malinis na politics.”
-DINDO M. BALARES