KINAILANGAN ni King Tiger Mark Yee ng trabahong kalabaw upang takasan ang palabang Pasig Sta. Lucia Realtors, 75-71 sa ikalawang ikot ng eliminasyon sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season kamakalawa sa Bahay ng Pag-asa Gym sa Valenzuela City.
Minanduhan nang husto nina Yee at big man Bogs Raymundo-tinaguriang ‘long arms of the law’ ng Davao ang paint area sa magkabilang dulo upang mapigil ang tangkang maagang pag-arangkada ng Realtors sa pangunguna nina Jeric Terig, Leo Najorda, Robbie Manalang at Josam Mimes ng pumabor naman sa koponan mula Mindanao ni Dumper Party List Rep. Claudine Bautista na suportado nina Cocolife President Atty. Jose Martin Loon, FVP Joseph Ronquillo, AVP Rowena Asnan at SVP Franz Joie Araque.
Nagsanib puwersa sa opensa sina Bonbon Custodio, James Forrester, Billy Robles at Yee upang dominahin ang halftime, 41-31.
Tinapyas ng Realtors ang kalamangan ng Tigers hanggang sa makuha ang bentahe sa 4th quarter tampok ang tres ni Manalang pero namunong muli si Yee at Custodio upang mabawi ang momentum tungo sa panalo (20-3) at manatiling nasa ituktok ng liderato sa south division ng ligang inorganisa ni Senator Manny Pacquiao.
“We have to level up our games especially approaching the playoffs. Mark is a true leader but our close win against Pasig is a team effort,” sambit ni Cocolife Tigers team manager Dinko Bautista kaagapay si deputy Ray Alao.
Ang best player of the game na si Yee ay nagposte ng kanyang 35th double-double sa pagkamada ng 22 puntos at 14 rebounds.