MAY mga nagtatanong kung bakit madalas ang lindol sa Mindanao, partikular sa Davao region. May nagtatanong din kung galit ba ang kalikasan sa taga-Mindanao, o ang mga paglindol ay coincidence o nagkataon lamang. Ang pinakahuling lindol ay may magnitude na 6.9 na tumama sa Davao del Sur noong Linggo.
Sa inisyal na ulat, apat na tao, kabilang ang anim na taong gulang na sanggol, ang namatay. Ayon sa Philippine Institute of Volcanolgy and Seismology (Phivolcs), naramdaman ang intensity 7 sa mga bayan ng Matanao at Magsaysay, Davao del Sur.
Ligtas si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa lindol kasama ang pamilya sa bahay. Sinuspinde agad ni Davao City Mayor Sara Duterte ang mga klase sa paaralan. Ang tatlo ay namatay nang ang 3-palapag ng Southern Trade shopping center sa Padada, Davao del Sur ay nag-collapse, ayon sa Bureau of Fire and Protection. Ang anim na taong gulang na bata ay namatay sa Matanao.
Ito na ang ikaapat na beses na paglindol sa bahagi ng Mindanao. Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nagtamo ng mga bitak ang Davao International Airport, subalit ang runway ay hindi naman nasira.
Nagbibiro pa rin ang kaibigan ko sa kabila ng trahedya sa Davao del Sur: “Hindi kaya napahinto ni Pastor Apollo Quiboloy ang lindol na may 6.9 magnitude.” Noong una kasi, sinabi ni Quiboloy na pinatigil niya ang lindol sa Davao at tumigil naman daw.Hintayin natin ang kanyang pahayag.
oOo
Umapela si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na palaganapin ang Good News, hindi ang Fake News (Tagle: Spread the Good News, not fake news). Ayon sa Cardinal, dapat maging tulad ng mga anghel ang mananampalataya sa pagpapalaganap ng Magandang Balita ng Diyos, at iwasan ang pagkakalat ng “fake news.”
“Kailangan natin ang mga anghel ngayon. Kailangan natin ang mga anghel. We need the heavenly hosts present here on Earth to make the announcement, similar to the birth of Jesus Christ,” pahayag niya sa Advent recollection na ginanap sa Quezon City.
Aniya, bilang mga anghel, dapat tulungan ang mga tao na makaugnay ang Diyos. Dapat na maging Christmas Day ang bawat araw. Dapat paalalahanan ang mga tao sa pagiging malapit ng Diyos. “Be angels, communicate that.”
Gayunman, ayon kay Cardinal Tagle, nakalulungkot na sa modernong panahon ngayon, ang pinalalaganap ay hindi ang Mabuting Balita o ang Gospel kundi mga tsismis at fake news. Sinabi niya na maging si Kristo ay biktima ng mga kasinungalingan na naghatid sa kanyang kamatayan.
Sa ibang isyu naman, bibili ang Philippine National Police (PNP) sa Israel ng 17,000 rifles upang ipanlaban sa mga terorista. Pumasok sa kasunduan ang PNP sa Israel’s Ministry of Defense para sa pagbili ng17,048 5.56mm assault rifles sa halagang P712,927,360. Sana ay hindi naman ipagbili ang mga armas ng ilang tiwaling opisyal at tauhan ng PNP sa mga terorista at rebelde.
oOo
Sinabi ng Philippine Red Cross (PRDC) na may 150,000 bata ang nabakunahan na nila ng anti-polio vaccines o ng oral polio vaccines (OPV). Ang mga bata ay mula sa Metro Manila at Mindanao. Ayon kay Sen. Richard Gordon, PRC chairman, nalampasan nila ang initial target na 100,000 bata na ang edad ay wala pang 5 taong gulang. Mabuti ang ginagawang ito ng PRC upang maiwasan ang polio upang magkaroon tayo ng mga kabataan na malalakas ang tuhod, at posibleng panlaban sa Southeast Asian Games, o maging sa Olympics.
-Bert de Guzman