IBINIGAY ng Philippine Olympic Committee General Assembly ang basbas para mabigyan ng ‘regular status’ ang anim na sports association.
Sa ginanap na POC General Assembly meeting nitong Martes sa Conrad Hotel, ipinagkaloob ni POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang ‘certificate’ bilang regular member sa mga opisyal ng surfing, modern pentathlon, bridge, kurash, jiu-jitsu at sambo.
Bilang ‘regular member’ may karapatan nang bumoto ang anim na sports at nadagdagan ang 43 national sports associations regular membership ng Olympic body.
Ang mga naturang sports ay pawang nagwagi ng medalya at nakapag-ambag sa nahakot na 149 ginto, 117 silver at 121 bronze medal sa matagumpay na kampanya para sa overall championship ng Team Philippines sa katatapos na 30th Southeast Asian Games.
Nakakuha ang surfing ng dalawang ginto, kabilang ang napagwagihan ni SEAG Hero Roger Casugay, bukod sa dalawang silver at tatlong bronze; ang modern pentathlon ay may dalawang ginto, isang silver at dalawang bronze; may isang ginto, dalawang silver at dalawang bronze ang kurash; humakot ng limang ginto, tatlong silver at tatlong bronze ang jiu-jitsu at kumana ang sambo ng dalawang ginto, isang silver at tatlong bronze medals.
Ito ang ikalawang pagkakataon na naging kampeon ang Pilipinas sa nakalipas na apat na hosting sa kasaysayan ng biennial meet.
-Annie Abad