LUTANG at dominante pa rin sa age-group competition ang pambato ng Swimming Pinas na sina Micaela Jasmine Mojdeh at Marcus Johannes de Kam.
Nanguna ang dalawang age-group internationalist sa anim na batang swimmers na tumanggap ng Highest FINA Points awards sa katatapos na 5th BEST Swim Challenge – FINIS Short Course Swimming Championship sa Philippine Columbian Association (PCA) swimming pool sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Tinanghal ang 13-anyos at Brent student na si Mojdeh bilang ‘Female Highest FINA Pointer for Open Category’, habang si De Kam ang ‘Male Highest FINA Pointer for Open Category’.
Nalikom ni Mojdeh ang kabuuang 557 FINA points matapos magwagi sa kanyang mga event, kabilang ang paboritong 100m butterfly, habang si De Kam ay may 621 FINA points sa kanyang dominasyon sa 200m freestyle sa torneo na itinataguyod ng FINIS sa pakikipagtulungan ng Behrouz Persian Cuisine.
“We continued our program para talagang maihanda ang ating mga age-grouper. Focus talaga kami sa grassroots sports development and hopefully, mas marami pang batang swimmers ang maenganyo sa sumali sa mga tournament at palakasin ang swimming,” pahayag ni Swimming Pinas team manager Joan Mojdeh.
Nakuha naman nina Peter Cyrus Dean ng Quezon Killer Whale Swim Team ang ‘Male Highest FINA Points for Open Category’ at Shinloa San Diego ng San Pedro Swim Team ang ‘Female Highest FINA Points for Open Category’ sa 12-under class.
Nangibabaw naman sa 13-over sina Shaenna Marie Andal ng Quezon Killer Whale Swim Team (Female Highest FINA Points for Open Category) at Male Christian Leyno ng Dipolog Swim Team (Male Highest FINA Points for Open Category).
“To all participating teams and coaches, I know we had such a rough year and yet you stood by us and believed in the program that we really wanted to focus on the swimmers and nothing more,” ayon kay Mojdeh.