‘GRABE ka Aga Muhlach! Grabe ang huhusay ng buong cast, walang tapon!’ ito ang iisang narinig namin pagkatapos mapanood ang pelikulang Miracle in Cell No. 7 sa ginanap na premiere night nito sa SM Megamall Cinema 1 at 2 nitong Lunes.

Sa simula ng pelikula ay may mga naririnig pa kaming nagkukuwentuhan dahil masaya pa ang ipinapakitang eksena nina Aga at anak nitong si Xia Vigor pero nu’ng hinuli na aktor at ikulong sa salang hindi niya ginawa ay dito na nanahimik ang lahat hanggang sa ang narinig namin ay puro impit na iyak at sinisipon na ang iba.
Aaminin namin na isa ang Miracle in Cell. No 7 ang napanood namin na wala yata kaming ginawa kundi magpahid ng luha dahil hindi namin namamalayan na panay tulo ng luha namin.
Napanood namin ang Korean movie original version ng Miracle in Cell No. 7 nina Ryu Seung-ryong, Kal So-won,at Park Shin-hye na umiyak din kami, pero siyempre napipigilan ang pagpatak ng luha dahil binabasa pa namin ang subtitle ‘no! Ang ganda ng pelikulang ito na ipinalabas noong 2013 at tumabo ito ng $80.3 million.
At kaya siguro tuluy-tuloy ang daloy ng luha ng mga nanonood ng remake na idinirek ni Nuel Naval ay dahil mas naintindihan ng lahat ang lengguwahe at hindi na kailangang magbasa ng subtitle.
Binigyan ng kakaibang version ni direk Nuel ang Filipino version ng Miracle in Cell. 7 dahil nasapol niya ang puso ng bawa’t Pinoy.
Halos lahat ng pelikula ni Aga ay napanood namin na iba-iba ang karakter at lagi naming sinasabi na kayang gampanan talaga ng aktor ang lahat ng role na ibigay sa kanya at sa Miracle in Cell No.7 ay iisa ang sabi ng lahat ng mga nakapanood, ‘si Aga ang Best Actor walang duda.’
Samantala, inabangan namin ang ilang cast ng Miracle in Cell No. 7 sa labas ng Cinema 1 na halos lahat ay galing sa pag-iyak.
Nauna si Aga, “Nakakatawa at nakakaiyak ‘di ba? Please everyone invites your friends, invite your family don’t miss this movie talaga. ‘Wag n’yo kaligtaan itong Miracle in Cell No. 7, one time lang (sabay thumbs up).”
Umiyak ba si Charlene Gonzales-Muhlach, “naku ang ingay-ingay na eh, nandiyan hintayin mo (sabi sa amin ng aktor).”
Sumunod naman si JC Santos na namumula rin ang mga mata, “masaya kasi lahat ng tao (nagandahan), ibang flavor itong Filipino version kaysa sa Korean. May sarili tayong timpla na nagwagi, tagumpay.”
Ibinuking ni Aga na hindi sumasama si JC sa promo ng pelikula nila, “sasama na ako, tinapos ko lang ‘yung musical play ko (Lam-ang),”nakangiting sagot ng aktor.
Si Bela Padilla na mugto rin ang mata, “oo sobra talaga (iyak niya). First time ko napanood (pelikula), grabe kalahati palang umiiyak na ako.”
Iilan lang ang eksena ni Bela sa Miracle in Cell No. 7 dahil siya si Yesha nang lumaki na bilang abogada at gustong linisin ang pangalan ng ama kaya niya pinabuksan ang kaso. Sa madaling salita hindi sila nag-abot ng timeline ni Aga pero sa huling eksenang naipanalo niya ang kaso at nalinis ang pangalan ng ama ay nagpakita ang aktor sa anak na sinasayaw ang tanda ng pagbabatian nila.
Last scene with Aga, “grabe hindi ko ini-expect kasi siyempre sinamahan nila ng mga eksenang ng bata at ni kuya Aga so nakaka-touch, nakakaiyak. Halos lahat ng taong nakita ko paglingon ko nakaganito (nagpapahid ng luha), thank you, thank you po sa lahat dahil sinabayan ninyo kaming tumawa, umiyak at minahal ninyo ang mag-ama (Yesha at Lito) at lahat ng kasama sa cast, maraming salamat po.”
Pinalasamatan din ni Bela ang kaibigang si Angelica Panganiban na dumating kahit nag-iisa, “oo nga, unang invite palang nag-confirm na siya, thank you so much Angge, I love you so much, I’m so happy na nakapunta siya. Unfortunately, si Kim (Chiu) may taping ngayon.”
Si Yayo Aguila na ilang eksena rin sa pelikula bilang ina ng batang inakalang pinatay ni Aga ay naluha rin, “grabe, basa ang blazer ko! Lahat umiiyak di ba, walang nagsasalita. Ang galing nu’ng buong movie, ang galing ng buong boys (cast).”
Bukod tanging si John Arcilla ang lumabas na nakangiti, “sobrang punung-puno ‘yung dalawang sinehan (kaya masaya siya) nakakataba ng puso, sana sa December 25 hanggang sa mahabang linggo, e, ganito rin kadami ang manonood.”
Mahaba ang exposure ni John bilang Jail warden na noong una ay galit nagalit kay Aga at sinaktan pa dahil nga sa kasong rape, kidnapping at pagpatay dahil nawalan din siya ng anak.
“Ako rin naiyak panay din ang singhot ko, magagaling ang mga kasama ko, ang sarap ng audience sobrang very attentive, sobrang enjoy lahat,” sambit ng aktor.
Bilang beteranong aktor ay hiningan siya ng komento sa performance ni Aga bilang may problema sap ag-iisip, “ito ang kakaibang Aga Muhlach kaya bantayan ninyo ang pelikulang ito dahil kakaibang role niya rito, ang galing-galing ng buong cast.”
At lumabas na ang mag-ina ni Aga na sina Charlene at Atasha na mugto rin ang mata ng wifey ng aktor, “umiiyak pa rin ako hanggang ngayon (natatawang kuwento), magang-maga na yung mata ko, halos simula palang (pelikula) umiiyak na ako.”
Tinanong namin si Atasha kung ano naman ang reaksyon niya sa pelikula ng ama, “it was such a good movie.” Umiyak k aba, “yes sobra.”
Sabay pakita ni Charlene na naubos daw ang dala nilang tissue dahil nag-iiyakan slang mag-ina.
Sobrang proud ng mag-ina ni Aga sa kanya, “actually, sa lahat ng bumubuo ng Miracle in Cell No. 7 napakagaling, napaka-ganda, lahat ng linyang binibitaw nila kapit sa sinasabi nila. So heartwarming, so endearing, tatawa ka, iiyak ka, lahat-lahat pinagsama na. Wow, nakaka-proud ka direk (Nuel), ibang klaseng pelikula. Congratulations direk Nuel, Mel (del Rosario-writer), napakagandang screenplay.”
Maiuuwi ba ni Aga ang best actor trophy, “ay ayaw ko (mag-komento). Narinig ko ‘yan na sabi niya magpapa-party siya sa press kapag nanalo siya, ha, ha, ha. Isa ito sa paborito kong pelikula na ginawa ni Aga, iba talaga. Miracle in Cell No 7 is a movie that lahat tayo mai-in love sa pelikula at ang galing ni direk kasi ginawa niya ang sariling Pinoy version, tagos sa puso talaga,” masayang sabi ng asawa ng aktor.
Hindi nakarating si Andres para personal na makita ang reaksyon ng tao sa ama, “may exams siya tomorrow,”saad ng Charlene at sabi pa, “manonood ulit kami ng movie siguro mga sampung beses.”
At si Mon Confiado na kasama ang anak ni Ynez Veneracion na mahigpit ang kapit sa kanya. Ang galing ninyong magpaiyak ng tao.
“Oo grabe ‘yun kasi ‘yung mga drama scenes namin o ‘yung time na paano na siya (Aga), exit na, the whole shooting, whole day hindi kami nag-uusap, kahit isang word hindi kami nagpapansinan buong cast. Ang galing ng ginawa ni direk, chronological masaya muna ‘yung shooting namin, bonding pa pero nu’ng Christmas na December 23 na kinuha na si Aga talagang kargado talaga kami no’n,” kuwento ng aktor.
At natuwa rin si Mon sa reaksyon ng bawa’t taon nakapanood, “nakakatuwa dahil ibang flavor. Karamihan sa atin napanood na natin ‘yung Korean version, so binigyan tayo ni direk Nuel ng kakaiba, same story pero kakaiba Pinoy talaga.”
Nabanggit din ni Mon na tuwang-tuwa ang Korean producers at director na dumalo rin sa red carpet premiere night ng Miracle In Cell No. 7 at nagsabing magandang regalo ang Pinoy version para ngayong Pasko.
Tinanong namin kung umiyak ang anak ni Ynez na sobrang higpit ang kapit kay Mon at tumango ang bata, “hirap kausapin nito, eh, hindi nagtatagalog,”sabi ng aktor.
Sabi pa ng bata, “I cried too much, I don’t know!”
Binigyan ng MTRCB ang Miracle in Cell No. 7 ng rating na G o General Patronage kaya puwede itong mapanood ng mga bata kaya sa mga magulang, sama-sama tayong matawa at maiyak sa pelikula.
Bukod sa mga nabanggit ay kasama rin sina Jojit Lorenzo, Xia Vigor, Soliman Cruz, Ahwel Paz, Joel Torre at Tirso Cruz lll mula sa Viva Films at mapapanood na sa Disyembre 25.
-REGGEE BONOAN