NAGBANTA si Pres. Rodrigo Roa Duterte na hahayaan niyang ang militar ang mag-takeover sa operasyon ng Manila Water at Maynilad kapag hindi sila nagpakatino at inayos ang serbisyo sa publiko.
Mukhang hindi nagbibiro ang ating Pangulo na nagpakansela rin sa concession agreement ng water concessionaires sa gobyerno. Naniniwala si Mano Digong na “ginagatasan” at pinagsasamantalahan ng dalawang kompanya ng tubig ang mga consumer pati na ang gobyerno dahil sa umano’y “onerous provisions” ng kasunduan o kontrata na pabor sa Manila Water at Maynilad.
Habang nagbabanta si PDu30, si Finance Sec. Carlos Dominguez III naman ay nakikipag-usap sa matataas na opisyal ng water companies. Ayon kay Dominguez, bukas ang gobyerno sa pagbabago o adjustments ng kontrata para mabago ang interest rates para sa kagalingan at kabutihan ng mga mamamayan.
Sana ay makagawa si Sec. Dominguez ng mga paraan at solusyon upang maayos ang hidwaan ng gobyerno at ng Manila Water at Maynilad. May banta pa ang Pangulo na kakasuhan niya ng economic sabotage ang mga may-ari ng dalawang concessionaires.
Nagbanta rin siya na sasampalin ang mga bilyonaryo at ipakukulong. Tanong sa akin ng kaibigang palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Eh sino ba ang mga may-ari ng mga ito.” Pare, ang Manila Water ay ari ng mga Ayala. Ang Maynilad naman ay ari ni MVP o Manuel V. Pangilinan.
Sabad ni Senior jogger: “Ibig mong sabihin sasampalin at ipakukulong ng Pangulo sina Ayala at Pangilinan.” ‘Yan ang hindi ko alam. Hintayin nating magsalita si presidential spokesman Salvador Panelo kung totoo o nagbibiro lang ang Presidente natin.
Ibinunyag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director general Aaron Aquino, na mahigit sa 12,000 high-value target na sangkot sa illegal drugs ang nasa kanilang listahan at aarestuhin nila. Kabilang sa bilang na ito ang mga miyembro ng media, lokal na opisyal, mambabatas, showbiz celebrities, at unipormadong tauhan mula sa iba’t ibang law enforcement agencies.
Umaasa si Aquino na malilinis nila ang high-value target list bago matapos ang termino ni Mano Digong sa 2022. Sana naman ay masugpo ang salot ng iligal na droga bago bumaba sa puwesto ang ating Pangulo. Nangako siya noong 2016 presidential campaign na pupuksain ang illegal drugs sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan, at kung hindi bababa siya sa puwesto at ibibigay ito sa Pangalawang Pangulo.
Bumilib ang mga tao sa kanya. Nakamit ni PRRD ang mahigit sa 16 milyong boto. Sumadsad sa kangkungan ng pagkatalo sina Mar Roxas at Grace Poe. Anyway, na-realize ng Pangulo na hindi pala ganito kadali ang pagpuksa sa iligal na droga. Inamin niyang nagkamali siya.
Ayaw ilabas ni Aquino ang mga pangalan ng media people, mambabatas, celebreties, local officials at uniformed personnel at iba pa. Sa panig ng National Press Club (NPC) na sa wakas ay nagsalita na rin, sinabi ni NPC Rolando “Lakay” Gonzalo na dapat ihayag ni Aquino kung sinu-sino ang nasa narco-list na taga-media.
Naniniwala si Lakay Gonzalo na sa paglalahad ng kanilang mga pangalan, malilinis ng NPC ang listahan ng mga kasapi upang malaman ang mga tarantadong editor, columnist, reporter, broadcaster na sangkot sa illegal drugs.
May kasabihang madaling mag-akusa, pero mahirap magpatunay. Sana ay manindigan ang PDEA sa isyung ito at ilantad ang katotohanan.
-Bert de Guzman