IDINAOS kamakailan ng United Kingdom (UK) ang halalan nito, na nagbigay sa Conservative Party ni Prime Minister Boris Johnson nang malaking mayorya sa British Parliament. Sa United States (US), naghahanda naman si President Donald Trump para sa kanyang pangangampanya sa reelection.
Tayo sa Pilipinas ay kalimitang binibigyang-halaga ang ating personal na konsiderasyon sa politika ngunit dapat tayong makinabang kung paanong ang mga isyung dominante sa halalan ng ibang mga bansa, tulad nang kamakailan sa UK at sa darating na halalan sa US.
Para sa mga analyst ang malakas na pagkapanalo ng Conservative Party sa UK --- 365 na puwesto mula sa 627-seat sa Parliament – ay senyales ng pagkontra sa labis na pagpanig sa kaliwa ng oposisyong Labor Party, sa plataporma nitong “huge public spending and nationalizing of utilities.” Ngayon lumalabas na tila mas konserbatibo na ang British electorate, mas tradisyunal, at higit na nakasentro at nasa panig ng politikal na lawak.
Sa US, nagwagi si Donald Trump noong 2016 mula sa suporta ng katulad na grupo ng mga botante na konserbatibo, conventional , working-class. Kumbinsido rin siya na babalewalain lamang ng kanyang mga tagasuporta ang kanyang “unconventional” at “unpresidential” na aksiyon at muli siyang magbabalik sa opisina sa Nobyembre.
Sa ngayon, nahaharap si Trump sa impeachment sa US Congress sa dalawang pangunahing isyu—una, ang pag-abuso sa kapangyarihan nang pigilin nito ang halos $400-million security aid sa Ukraine na ngayo’y sangkot sa isang digmaan sa Russia, habang hiniling nito sa pangulo ng Ukraine na imbestigahan ang kanyang potensiyal na katunggali, si Joe Biden; at ikalawa, ang obstruction of Congress sa imbestigasyon nito sa Ukraine at election charges.
Inaasahang mai-impeach siya ng House of Representatives, na kontrolado ngayon ng Democratic Party, ngunit sigurado rin na mapapawalang-sala siya ng Senado na kontrolado naman ng Republican Party. Dahil ito naman ang katotohanan ng impeachment—higit itong politikal sa halip na hudisyal na proseso, at malaki ang posibilidad na protektahan ng partido ang kanilang sarili. Noong 1998, in-impeach ng Republican si President Bill Clinton dahil sa isyu ng perjury kaugnay ng isang kaso ng sexual harassment, ngunit napawalang-sala siya ng Senado, na kontrolado naman ng Democratic Party.
Sa pagtingin ng nakararami, ang US ngayon ay ang American electorate—hindi Kongreso—na magdedesisyon sa buong kaganapan sa nakatakdang halalan sa Nobyembre. At umaasa si Trump na ang mga botante ng Amerika—tulad ng British voters—ay higit na konserbatibo, tradisyunal, kumpara sa pagiging progresibo, makakaliwa.
Ngayon patuloy nating tutukan ang mga pagbabago sa nalalapit na halalan sa US, lalo’t ang ating sistema ng halalan ay katulad sa kanila. Mayroon din tayong katulad na proseso ng impeachment. At mayroon din tayong limang milyong Pilipino na naninirahan ngayon sa US, at marami sa kanila ay mga botante.
Dapat na matuto ang ating mga lider sa politika mula sa mga nangyayaring mga pagbabago sa larangan ng politika sa UK at sa US, lalo’t kapag natuto na ang ating mga botante, mababawasan na ang personal na aspekto at higit na pagtutuunan nila ang palagay sa mga isyu na mas mahalaga tulad ng higit na disenteng pamumhay, kalayaan mula sa ekonomikal na polisiya, respeto sa ating panlipunan at panrelihiyon na kaugalian, at higit, ang ating kalayaan.