NITONG Disyembre 12, masuwerte kami na maging guest of honor si Pangulong Rodrigo Duterte. Simple lamang ang okasyon—ang paglulunsad ng The Tent at Vista Global South. Ang pinakamalaking tent venue sa timog ng Metro Manila na may kapasidad na hanggang 5,000. Isa itong malaki, maganda at modernong lugar. Bukod pa rito, malayo ang lokasyon nito mula sa matinding trapik ng metro.
May sampung minuto lamang ang layo ng The Tent at Vista Global South sa Ninoy Aquino International Airport at maaaring puntahan gamit ang NAIAX at Cavitex mula sa north at sa Alabang Zapote Road at Bacoor Boulevard mula sa south.
Lubos ang aking pasasalamat sa Pangulo sa pagdalo niya sa event. Tulad ng maiisip ng sinuman, napakaraming gawain ng Pangulo, kaya naman ang kanyang presensiya ay higit na mahalaga para sa amin at sa Villar Group of Company.
Ang mismong event—at ang lugar na aming binuksan—ang napakahalaga para sa amin. Alok ng The Tent sa mga organisasyon at korporasyon ang oportunidad para maiwasan ang trapik mula sa masisikip na lugar sa metro sa pamamagitan ng pagdadala at pagdaraos ng kanilang mga event sa bago at magandang lokasyon.
Dagdag pa rito, alok din nito ang malawak na parking space at magiging malapit sa mga kilalang landmark tulad ng Vista Mall Global South, Mella Hotel, Villar Sipag Center at Sanctuario de San Ezekiel Moreno. Gayunman kahit gaano pa kagarbo ang venue, hindi ito maikukumpara sa presensiya ng ating pangulo. Sa palagay ko’y nais ng Pangulo na dumalo dahil mahalagang daan ito at ang aming ginagawa ay isang pagsuporta sa kanyang adbokasiya.
Ang proyektong ito ay isang pagsisikap upang mabigyan ang mga residente ng de kalidad na opsyon para sa kanilang mga personal at corporate events dito sa south. Ito ang aming paraan ng pagbibigay ng papuri sa mga polisiya ng pamahalaan upang maipalaganap ang kaunlaran sa south.
Mula sa unang araw, sinuportahan ko si Pangulong Duterte. Sa katunayan, maging noong unang termino pa lamang niya bilang Kongresista sa mababang kapulungan at ako ang Speaker, gusto ko na siya bilang tao at bilang isang public servant.
Nang maupo sa puwesto si Pangulong Duterte ipinangako niya ang implementasyon ng maraming pagbabago. At tinupad niya ito. Inilunsad niya ang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga dahilan upang maramdaman ng mga tao ang kaligtasan sa kanilang komunidad. Isinulong din niya ang isang kampanya laban sa kurapsyon na nagresulta sa pagkakasibak ng maraming opisyal at mga empleyado, maging ang kanyang mga pinakamalalapit na kaalyado. Isinulong din niya ang isang foreign policy na naggigiit sa ating identidad at kalayaan bilang mamamayan.
Marami na akong narinig na tao na bumabatikos sa pagsasalita ng Pangulo dahil sa pagiging “unpresidential” nito. Hindi ako sang-ayon dito. Nagsasalita ang Pangulo sa malinaw at direktang paraan, at ito ang kailangan ng tao. Ang dahilan kung bakit nauunawaan at pinagkakatiwalaan siya.
Isinulong din ng Pangulo ang isang polisiya para sa pagpapaunlad ng mga probinsiya. Maraming malalaking proyektong pang-imprastraktura ang idinisenyo sa mga lugar sa labas ng Metro Manila. Kami sa Vista group of companies ang sumusuporta sa hakbang ng pagpapaunlad na ito. Naniniwala kami na habang patuloy na sumisikip ang Metro Manila at lumalago ang mga pamilya, maghahanap sila ng mas malaking tahanan sa labas ng abalang central business district.
Ang aming mga ekspansyon sa hinaharap sa iba’t ibang negosyo ay nakatutok sa mga probinsiya. Nais naming pagkalooban ang pamilyang Pilipino, lalo na ang mga batang pamilya, nang opsyon upang makabili ng mas mura ngunit mas malaki at maayos na tahanan sa labas ng Metro Manila o sa mga probinsiya na may mas maganda sa karaniwan na lugar, upang ma-enyoy nila ang buhay pamilya nang walang ingay at tensyon mula sa lungsod.
Nais namin na magkaroon ang mga pamilyang Pilipino ng oportunidad na magkaroon ng mas magandang buhay at maliwanag na kinabukasan. At sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte naniniwala akong kayang-kayang abutin ang pangarap na ito.
-Manny Villar