SA kalendaryo ng ating panahon, ang buwan ng Disyembre ang pinakabunso. Ngunit sa kabila ng pagiging bunso, puno naman ng pag-asa at pag-ibig kasabay ng inihahatid nitong malamig na simoy ng hangin lalo na sa madaling araw. Bukod sa nabanggit, inaasahan lagi ng mga Pilipino na isang masaya at nakulay na buwan sapagkat ipinagdiriwang ang araw ng Pasko –ang pagsilang ng Dakilang Mananakop. At bilang paghahanda sa araw ng Pasko, inhuhudyat ito ng Misa de Gallo na sinisimulan tuwing ika-16 ng malamig na Disyembre. Ginaganap sa mga simbahan at kapilya tuwing alas 4:00 ng madaling-araw kasabay ng tilaok ng mga manok na tandang.
Ayon sa kasaysayan, ang iniibig natin Pilipinas lamang ang mayroong Simbang Gabi o Misa de Gallo na inihuhudyat ng matunog at masayang kalebang ng mga kampana sa mga lalawigan, lungsod at mga barangay na simula ng Kapaskuhan sa ating bansa at iba pang bansang Kristiyano batay sa kaugalian.
May nagsasabing ang Misa de Gallo ay nag-ugat sa Council of Zaragosa sa Spain noong 380 A.D. na nagtakda na mula Disyembre 17 hanggang Enero ay hindi pinapayagan ang sinuman na lumiban sa pagsisimba. Layunin nito na kailangan na hadlangan ang sinuman sa pagdiriwang ng “Saturnalia”, na isang paganong pagdiriwang sa kapistahan ng diyos na si Saturno.
Sinasabing nang dumating ang mga misyonerong Kastila sa inibig natin Pilipinas, noong ika-16 na siglo, ipinakilala nila ang Misa at mga nobena. Ngunit natuklasan ng mga misyonero na hindi nakadasalo sa Misa ang mga katutubo kung umaga sapagkat sila’y nagtutungo na sa kanilang mga bukid upang magtrabaho tulad ng pag-aani ng kanilang mga pananim.
Dahil sa nabanggit na pangyayari, ipinasiya ng mga misyonerong Kastila na idaos ang Misa sa madaling-araw kasabay ng pagtilaok ng mga tandang. Sa ganito nakilala ang Misa de Gallo na nakilala rin sa tawag na Simbang Gabi.
Ang Simbang Gabi o Misa de Gallo ay siyam na umagang sunud-sunod na pagsisimba bilang paghahanda sa pagdating at pagsilang ng Banal na Mananakop na siyang pangakong Dakilang Alay ng Diyos Ama upang sumakop at tumubos sa sangkatauhan. Nabanggit ito sa Ebanghelyo ni San Juan (3:16) “Sapagkat gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan, ibinigay Niya ang Kanyang bgtong na Anak upang ang sinuman na naniniwala sa Kanya ay hindi mamamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan”.
Sa pagdaraos ng Misa sa mga simbahan kung Simbang Gabi (may anticipated mass na ginagawa rin kung alas 8:00 ng gabi. Mapapansin ng mga nagsisimba na kulay puti ang vestment o suot ng pari sa pagmimisa at masayang inaawirt ang Gloria in Excelsis Deo o Lualhati sa Diyos sa Kaitaasan na may dalawang Linggo na hindi sa Misa sa pagpasok ng Disyembre dahil sa panahon ng Adviento o Advent.
Sa mga lalawigan, ang Simbang Gabi (may anticipated mass na ginaganap tuwing alas 8:00 ng gabi) ay isang magandang tawanawin. Maaga pa ay gising na ang mga maraming tao at naghahanda sa pagdalo sa Misa de Gallo. Matapos makapagsimba ay dumaraan sa mga nagtitinda ng bibingka at puto bumbong. Masayang magsisikain at iinom ng mainit na tsaa na may sahog na dahon ng pandan.
Ang Simbang Gabi ay lagi nang kaugnay ng iba’t ibang kaugalian. Sa ibang mga bayan tulad sa lalawigan ng Rizal, may banda ng musiko na lumiligid sa bayan upang manggising ng mga tao at maghanda sa pagdalo sa Misa de Gallo. May nanininiwala rin na ang pagdalo sa Misa de Gallo ay may moral cleansing effect, may hatid na ginhawa at masiglang pakiramdam dahil sa pagdalo sa nasabing Misa sa madaling-araw.
Sa mga tinedyer, dalaga at binata, ang Simbang Gabi ay isang magandang pagkakataon na masabayan ang kanilang nililigawan sa pagsisimba. Kung minsan, ang pagdalo sa Misa de Gallo ay nagaganap ang pagtatanan ng mga magkasintahan lalo na kung matindi na ang kanilang pananabik na magpakasal.
Sa tradisyong Pilipino, ang Simbang Gabi ay simula at hudyat na rin ng pagbibigay ng mga aguinaldo sa mga kaibigan, kapatid, magulang, pinagkakautangan ng loob, mga inaanak at inanakan kabilang dito ang ilan mga lulis at mga sirjero at payaso sa pulitika.
Ang Simbang Gabi may krisis man sa kabuhayan o wala, ay naghahatid ng ginhawa sa kaluluwa, damdamin, puso at kalooban. Bagong pag-asa at pananaig sa Dakilang Mananakop na binibigyang-halaga at ipinagdiriwang ang araw ng Kanyang pagsilang.
-Clemen Bautista