NAGMARKA ang matagumpay na hosting ng Pilipinas sa nakalipas na 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa buong rehiyon kung saan umani ng papuri buhat sa mga karatig bansa.

Ngunit bukod sa sa mga atletang sumabak sa mga kompetisyon at nagwagi ng medalya, at sa mga kabataan na nagboluntaryo para maisakatuparan ang nasabing biennial meet, may isang ahensiyang naging punung-abala upang maging posible ang nasabing hosting.

Ito ay Philippine Sports Commission (PSC) sa pangunguna ng chairman na si William “Butch” Ramirez.

Ang nasabing ahensiya ng gobyerno ay nagtrabaho upang masiguro na ang mga pangangailangan ng mga atletang Pilipino ay matugunan ng wasto at tama, ultimong sa pinakamaliit na bagay.

Buhat sa matataas na mga opisyales, hanggang sa pinakamababang empleyado, ay naging bahagi sa matagumpay na SEA Games.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Ngunit hindi lamang ang biennial meet ang pinagkaabalahan ng PSC sa buong taon ng 2019, naging abala rin ang ahensiya sa kanilang mga grassroots program na gaya ng Batang Pinoy, Children’s Games, Laro’t Saya sa Parke at IP Games.

“The President (Rodrigo Duterte) wants the Filipino children to be involve in sports. Palagi niyang sinasabi ‘yan na ilapit ang mga kabataan sa sports. Kaya naman ito po ang isa sa mga pangunahing layunin ng PSC ang ilapit ang sports sa mga kabataan kaya naman kung kinakailangan na suyurin ang buong Pilipinas ay ginagawa po namain, para sa mga kabataan,” pahayag ni Ramirez.

Tatlong leg ang ginanap ngayong taon para sa Batang Pinoy, kung saan ang unang leg ay ginanap sa Ilagan, Isabela para sa Luzon leg, sa Iloilo naman ang sa Visayas leg at sa Tagum, Davao City naman ang Mindanao leg, habang ang National finals naman ay ginanap sa Puerto Princesa Palawan.

Naging bahagi rin ang PSC sa isinagawang Palarong Pambansa na inorganisa ng Department of Education (DepEd) tampok ang mga estudyanteng atleta na nagbigay karangalan sa kani-kanilang mga eskwelahan at lugar.

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga katutubong kabataan na makaranas na lumahok sa mga kompetisyon, sa pamamagitan ng Indigenous Peoples Games (IP Games) kung saan nilibot ng nasabing ahensiya ang bawat Barrio sa Luzon, Visayas at Mindanao upang mabigyan ng kasiyahan ang mga nasabing kabataan.

Ngayong darating na 2020, ay asahan ang patuloy na pagbibigay ng pagkakataon ng PSC para sa mga kabataang Pilipino sa kanilang paglibot sa buong bansa.

Bukod sa Batang Pinoy, Larot’s Saya, Children’s Games at Palarong Pambansa, may posibilidad din na matuloy muli ang dating PSC Pacquiao Cup at ang Philippine National Games (PNG).

-Annie Abad