MUKHANG may usapan sina Sam Milby at 2018 Miss Universe Catriona Gray na hindi sila magpapa-interview o magsasalita tungkol sa isa’t isa. Matagal na kasing nali-link ang dalawa dahil napagkikita silang magkasama sa events.
Pagkatapos ng grand mediacon ng pelikulang 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon ba entry ng CCM Films and Productions sa 2019 Metro Manila Film Festival ay hindi na nagpa-interview si Sam at nagmamadali na itong umalis kahit na na-korner namin siya ay nakiusap na ayaw niyang magsalita, “I love you ‘te Regs,” sagot sa amin.
Kilala na namin ang aktor na kapag nagsabi na siya ng ganu’n, ibig sabihin, tantanan na namin siya dahil maski na anong kulit namin ay wala kaming mapapala.
Anyway, maraming naka-trabahong director na si Sam sa rami ng pelikulang nagawa na niya simula nu’ng nagsimula siya sa showbiz, pero kay Direk Coco Martin siya pinagpawisan at nagkaroon ng panic attack dahil ang minemorya niyang buong script ay hindi nagamit pagdating sa mga eksenang gagawin niya kasama ang aktor/direktor.
Kuwento ni Samuel Lloyd, “Napakabait niya (Coco), generous! This is the first time I’ve done a project where in na naging actor at director din. Actually, first eksena namin as Paloma siya, were doing parang naglalandian kami tapos siya rin nagka-cut! So, parang hindi ako sanay na ‘yung lead actor, nagka-cut din.
“Sa set, siyempre nahirapan ako sa lengguwahe minsan so kabisado ko ‘yung script tapos pagdating sa set, iba ‘yung sasabihin niya (Coco) na sobrang iba sa script na minemorized ko, so nataranda ako! Anong sasabihin ko, oh my God!”
Dagdag pa, “completely different ‘yung ipapagawa niya (Coco). But what direk Coco said to me, ‘Sam, kung saan ka kumportable gawin mo, kung kumportable ka sa English, i-english mo lang para mas natural ang acting mo. So, I’m really, really thankful to direk Coco.”
Sinang-ayunan din ito ng lahat ng kasama sa 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon na minsan ay naiiba ang nasa script dahil mas may naisip na mas magandang eksena si Coco na akma sa lahat ng ginawa nila.
At dahil dito ay maraming natutunan si Sam kay Coco na hindi porke’t nasaulo na ang script ay dapat hanggang doon na lang, dapat laging mabilis din ag utak at presence of mind para hindi natataranta kapag may pagbabago at higit sa lahat, sobrang istrikto ng direktor/aktor sa lahat tulad ng ipinagbabawal nito ang paggamit ng cellphone o anumang gadgets kapag oras ng trabaho.
Bukod kay Sam ay kasama rin sa pelikula sina Jennylyn Mercado, Mark Lapid, PJ Endrinal, Pepe Herrera, John Prats, Carmi Martin, Smuglazz, Bassilyo, Sancho Vito, Jhong Hilario at Ai Ai de las Alas.
-Reggee Bonoan