“UPANG maalis ang anumang duda sa kakayahang maging patas ang departamento sa pagrerepaso at panibagong pakikipag negosasyon hinggil sa concession agreement sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) dulot ng aking relasyon sa mga mayari ng Prime Water Infrastructure Corp., hindi na ako makikilahok sa gawaing ito,” wika ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar sa kanyang liham noong Dec. 13 kay Secretary of Justice Menardo Guevarra.
Ayon kay Guevarra, ito ay alinsunod sa kanyang utos na huwag nang makibahagi sa trabaho ng departamento sa pagrepaso at sa planong paggawa ng panibagong kasunduan ng 1997 concession agreement sa Manila Water Co. Inc. at Maynilad Water Services, Inc. upang maiwasan ang duda hinggil sa kanyang conflict of interest. Nauna rito, ipinagtanggol ni Guevarra ang partisipasyon ni Aglipay-Villar. Aniya, nataon lamang ito dahil naitalaga siya sa Government Corporate Counsel at Office of the Chief State Prosecutor kung saan kinuha ang review team. Bukod dito, pinuno siya ng legal staff ng Tanggapan ng Kalihim.
Mahirap na masabing nagkataon lang na sa kanya napunta ang trabaho dahil sa kanyang mga tungkulin sa departamento. Ganito tratuhin ng administrasyong ito ang mamamayan na papaniwalain sila sa isang bagay na masyado namang garapal. Kung sa bagay, kung makalulusot lang. Pero, hindi na ito ang isyu. Ang isyu ay ang sinabing ito ni Justice Secretary Guevarra: “Hindi ito makatarungan kay Usec. Villar na laging propesyunal kung gumanap ng trabaho, pero hinihingi ito ng pagkakataon. Isang bagay lang ang aking masasabi, sinumang magaling na abogado ay darating din sa parehong resulta na ang concession contract ay onerous.” Kung hindi pa natatapos ang pag repaso sa mga kontrata, pero ito na ang pasiya ni Guevarra, bakit isasama pa niya si Aglipay-Villar sa magrerepaso ng mga ito? Kung huli man na nalaman niya ito, sa una pa lang pagkakataon dahil ipinarating ito sa kanya, dapat hindi na niya ito pinandigan pa upang kahit paano ay masabing parehas at makatarungan ang kanyang departamento sa pagganap sa inihabiling tungkulin sa kanya.
Paano kung bandang huli, ay niresolba ng DOJ na mabigat sa taumbayan ang concession agreement ng MWSS sa Manila Water at Maynilad, hindi kaya masasabing niluto ito lalo na kung ang pagbibigyan ng kontrata ay ang Prime Water? Kahit paano, parehas lang tayo.
-Ric Valmonte