ISANG pansamantalang kapayapaan sa trade war sa pagitan ng United States (US) at China ang inanunsiyo nitong Sabado ng mga opisyal ng US, halos dalawang taon mula nang ilunsad ito ni US President Donald Trump para sa layuning maibalanse ang kalakalan nito sa China.
Sumang-ayon ang US na kanselahin ang plano nitong pagpapataw ng taripa sa mga produktong China at itigil muna ang iba pang ipinatupad nito sa nakalipas na 22 buwan. Partikular na kinansela ng US ang 15 porsiyentong taripa sa mga electronic products ng China na nakatakda sanang ipatupad nitong Linggo. Sinuspinde rin ng China ang sarili nitong taripa sa mga produktong US na sisimulan sana nitong Linggo.
Nangako ang China na bibili ng $200 billion produkto at serbisyo mula US sa susunod na dalawang taon. Katumbas ito ng $10 billion higit sa $190 billion na inangkat ng China noong 2017, upang makatulong sa US trade balance.
Sa isang tweet ni President Trump sinabi nitong: “[China ] agreed to many structural changes and massive purchases of agricultural products, energy, and manufacured goods, plus much more.” Malalaman ang detalye ng naging kasunduan kapag lumagda na ang magkabilang panig sa isang phase-one agreement sa unang linggo ng Enero.
Hindi naman lubusang naging positibo ang inisyal a reaksyon sa balita ng nasa industriya ng kalakalan sa Amerika. Isang trade economist ang nagsabi na ang makukuha sa kasunduang ito ay hindi matutumbasan ang pinsalang naidulot nito sa mga magsasaka ng US at mga negosyong napinsala sa nakalipas na mga buwan ng trade war.
Matinding pagdurusa ang sinapit ng mga magsasaka sa Amerika mula sa taripa na nagbabawas sa mga inaangkat na produkto ng magkabilang panig. Bago ang gulong ito, ikalawa ang China sa pinakamalaking umaangkat ng mga produktong agrikultura ng US; ngayon bumaba na ito sa ikalima. “The gains in the deal do not compensate for the damage to US farmers and businesses,” pahayag ng isang trade economist.
Hindi lamang tinapyasan ng trade war ang agricultural exports ng US; nagdulot din ito ng paglobo ng US farm bankruptcies at kinailangan ng pamahalaan ng US na magbayad ng bilyun-bilyong dolyar upang maayudahan ang mga magsasaka. Sa paghahanda ni President Trump para sa muli nitong pagtakbo sa pagkapangulo sa Nobyembre 2020, kailangan niyang patuloy na suportahan ang mga magsasaka at mga may-ari ng mga rantso sa US, isa sa pinakamalakas na sektor ng kanyang politikal na base.
Maliit lamang ang epekto ng US-China global war sa ekonomiya ng Pilipinas, ayon kay Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez, ngunit pinabagal nito ang maraming global na ekonomiya at kalaunan ay inaasahang makaaapekto ito sa maliliit na ekonomiya tulad ng Pilipinas, aniya.
Kaya naman isang magandang balita ang panandaliang pagtigil ng trader war na inanunsiyo nitong nakaraang linggo. Hindi man ito tuluyang natapos dahil sa nananatiling mga ‘di pagkakasundo, umusad naman ito sa unang hakbang palayo sa komprontasyon. Umaasa tayo na mas marami pang pag-usad ang mangyayari sa mga susunod na buwan, na makakatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng dalawang bansa, na magkakaroon ng positibong epekto sa mga ekonomiya ng bansa sa mundo.