KAILANGAN mabatid ng mga mamamayan ng Novaliches, lalo na ang mga kabataan, sa ginampanang tungkulin sa kasaysayan ng kanilang bayan, para sa pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Espanyol sa ikalawang bahagi ng 1890.

Ito ang naging obserbasyon ni Rep. Alfred D. Vargas ng Quezon City’s 5th District (Novaliches area) matapos sa kanyang mabanggit ang tungkol sa kasaysayan ng century-old “Katipunan Tree” sa campus ng 72 taong Metro Manila College (MMC) sa Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.

Ang MMC ay dating Novaliches Academy (NA), ang pioneer para sa secondary educational institution na itinatag noong 1947 sa dating bayan ng Novaliches, na ngayo’y nahati na sa Quezon City at Caloocan City.

Ang tinatawag na “Katipunan Tree” ay isang puno ng duhat na pinangalanan noong noong Abril 1980 upang makapagpatuloy ang alaala ng rebolusyonaryong samahan ang “Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan” (Highest and Most Venerable Society of the Sons of the Country) o KKK.

Sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio, nagsimula ang rebolusyon ng KKK laban sa panunupil ng mga Espanyol sa Pilipinas noong Agosto 23, 1896.

Sa naging pagpupulong kamakailan sa MMC Guest House, ipinaliwanag kay Vargas kung paano nakuha ng matandang puno ang pangalan nitong “Katipunan” mula kay Mrs. Natividad Miranda Villano, dating MMC principal at ngayo’y miyembro ng Board of Trustees para sa “Gawad Metronian Educational Foundation Inc. (GMEFI)” nang nasabing kolehiyo.

Sa pagbabahagi ni Villano, ang nasabing puno, ay tinatayang higit 180 taon na, na pinangalanang “Katipunan Tree” noong Abrill 26, 1980 ng dating National Historical Institute (National Historical Commission of the Philippines), Ministry of Education, Culture and Sports (Department of Education or DepEd), Tree Preservation Foundation of the Philippines Inc. (TPFPI), at MMC sa pamumuno ni Dr. Mamerto S. Miranda, founder ng kolehiyo.

Kabilang naman sa dumalo sa pagpupulong sina Dr. Eveleyne M. Dominguez, pangulo ng GMEFI; Maria Aurora M. Villafuerte, secretary; Billy Miranda at Nante Mendoza Serrano, pangulo at bise president, ng Novaliches People’s Alliance-Movement (NPAM); at dating Barangay Novaliches Proper Kagawad Yolly Santiago Mendoza.

Matapos ang pagpupulong, ininspeksyon ni Vargas at ng mga kasama niya ang Katipunan Tree. Ayon sa palatandaan, madalas nakikitang nagpupulong sa lilim ng punong ito sina Bonifacio at kanyang mga tauhan.

May mga ilang pagkakataon din umano, na doon ginagamot ng bayaning si Melchora Aquino, kilala bilang “Tandang Sora,” ang mga sugatang Katipuneros.

Binigyang-diin ni Vargas na ang sinaunang puno ay tunay na maipagmamalaki ng Novaliches, at alaala ng kasaysayan nito, partikular ng Novaliches.

Matatagpuan naman ang Katipunan tree dalawang kilomentro ang layo mula sa La Mesa Dam at ang lumang Barrio Pasong Putik sa Novaliches, kung saan nahuli si Tandang Sora ng mga Espanyol.

Upang mapahaba naman ng buhay ng puni, hiniling ng MMC officials sa Department of Environment and Natural Resources noong Hunyo 2014 na magsagawa ng rehabilitasyon.

PNA