INILUNSAD kamakailan ng probinsiyal na pamahalaan ng Pampanga ang bago at mas pinagandang health care programbilang bahagi ng patuloy na pagsisikap para sa mas maayos na serbisyong medical sa mga residente ng Pampanga.

Tinawag na “Alagang Nanay: Health Care Delta,” inisyal na inilunsad ang programa sa mahigit 2,100 Nanay Community Workers (NCWs) sa ginanap na “Empowering Women Through Involvement in Disaster Management: Orientation on Gender Meeting” sa Bren Z. Guiao Convention Center, kamakailan.

Sinabi ni Governor Dennis Pineda na ang bagong health care program ay layuning makapagsentralisa ng medikal na serbisyo sa lahat ng nangangailangan na mga Kapampangan.

Para naman sa mga pasyenteng nais makatanggap ng programa, kailangan lamang magtanong sa mga opisyal ng kanilang lokal na barangay at iba pang awtorisadong mga miyembro ng Nars ng Nayon, Municipal Health Office, at NCWs, o direktang magtungo sa Governor’s Office.

“The new health care system is not only confined to rural and district hospitals.”

Bukod pa rito, responsible rin ang probinsiyal na pamahalaan para sa pag-eendorso ng mga pasyente kahit pa sa mga pribadong ospital kung saan sakop ng existing memorandum of agreement (MOA),”pagbabahagi ng gobernador.

Sa kasalukuyan, may limang pribadong ospital at apat na dialysis centers na napasailalim na sa kasunduan kasama ng probinsiyal na pamahalaan.

Kabilang sa mga ito ang ospital ng Apalit Doctor’s Hospital Inc., Rosario Memorial Hospital, Dr. Amado L. Garcia Medical Center Inc., Floridablanca Doctor’s Hospital Inc., at Pampanga Medical Specialist Hospital.

Habang ang apat na dialysis centers ay ang Hope Dialysis Center, Toledano Medical Clinic and Dialysis Center, St. Theresa Dialysis Center, Inc., at St. Agustine Dialysis Center.

“These hospitals and dialysis centers shall extend complex medical treatment including surgical procedures, diagnostic and laboratory services to all beneficiaries of the Alagang Nanay: Health Care Delta,” dagdag pa niya.

PNA