TALAGANG magagaling at mahuhusay ang mga Pilipino. Overall champion ang Pilipinas sa katatapos na 30th Southeast Asian Games na ginanap sa bansa. Humakot ng 149 gintong medalya ang mga atletang Pinoy, 117 pilak at 121 tanso sa 11 araw na paligsahan. Mabuhay kayo!

Hindi lang sa paligsahan magagaling at mahuhusay ang mga Pilipino. Maging sa larangan ng pagandahan ay nangunguna ang ating bansa. Ilang korona na ba ng Miss Universe, Miss International at iba pang beauty pageant ang pinanalunan ng ating magaganda at matatalinong Pinay? Aba, marami-rami na rin.

oOo

Niratipikahan o pinagtibay na noong Miyerkules ng dalawang Kapulungan (Senado at Kamara) ang final version ng P4.1 trilyong pambansang budget para sa 2020. Ang bicameral panel ay magkasanib na pinangunahan nina Davao City Rep. Isidro Ungab, chairman ng House committee on appropriations. at Senator Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance.

Ayon sa ulat, hindi dumalo sa lagdaan si Sen. Panfilo Lacson, miyembro ng komite, at hindi rin siya sumipot sa plenary session ng Senado. Naghihinala kasi si Lacson na nagkaroon ng last-minute insertions sa pambansang budget na aabot sa P83 bilyon. Inis ang senador sa insertions na sa palagay niya ay maituturing na “pork barrel”.

Sana naman ay hindi nagkaroon ng “singitan” sa P4.1 trilyong national budget upang ang halagang ito ay magamit sa mga proyekto at programa na makabubuti sa may 104 milyong Pilipino. Sakaling nakapagsingit ang ilang mambabatas sa budget para sa kanilang pork barrel, sana ay makita, masuri at mahimaymay ito ni Pres. Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang mga adviser.

oOo

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nagkasundo ang gobyerno ng Pilipinas at ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa resumption ng peace talks o usapang-pangkapayapaan. Ayaw ihayag ni Bello, chief negotiatior, ang mga detalye maliban sa pagsasabing pumayag si CPP founder Jose Ma. Sison na i-resume ang usapan.

Ayon kay Bello na isa raw komunista ayon kay Mano Digong, hindi niya maihahayag ang nangyari sa usapan nila ni Joma. “All I can say to you is we agreed for the resumption. I cannot say where.” Napaulat na nais ni PRRD na sa Pilipinas gawin ang usapan. Tutol dito si Joma, hindi raw siya uuwi sa Pinas.

Si Bello ay lumipad sa Netherlands noong Disyembre 6 at nakipag-usap kina Joma at NDF senior adviser Luis Jalandoni. Kasama nina Joma at Jalandoni ang kanilang mga ginang. Nakipagkita rin siya sa mga kinatawan ng Norwegian government. Ayon kay Bello, natitiyak niyang masisiyahan ang Pangulo sa resulta ng pakikipag-usap niya kay Sison.

oOo

Kinansela na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang concession agreement o extension ng kontrata ng Manila Water at Maynila sa gobyerno mula 2022 hanggang 2037. Sinabi ng dalawang kompanya ng tubig na dahil dito, naalarma ang mga investor at nalagay sa panganib ang kanilang financial viability na tiyak na makaapekto sa kanilang serbisyo.

Nagpahayag ng pangamba ang dalawang kompanya na bunsod ng water deal cancellation, ang higit na apektado rito ay ang local households o ang ordinaryong mga Pinoy sa posibleng pagtaas ng presyo ng tubig nang hanggang 100 porsiyento pagkatapos ng 2022.

Umaasa ang mga Pinoy na mareresolba ang isyu at problemang ito sa tubig ng Duterte administration at ng pangasiwaan ng Manila Water at Maynilad alang-alang sa kabutihan ng sambayanang Pilipino na hilahod na sa hirap.

-Bert de Guzman