SA kabila ng mga hakbang na ginagawa ng Manila Water Co., Inc at Maynilad Water Services, Inc. para makipag-ayos kay Pangulong Duterte hinggil sa nakuha nilang award sa International Permanent Arbitration Court sa Singapore, patuloy na binabakbakan nito ang dalawang water concessionaire. Nitong nakaraang Huwebes ng gabi, sa pakikipagdiwang niya sa kaarawan ni dating Sen. Manny Villar, pinagbantaan niya na isasailalim sa kontrol ng militar ang kampanya ng mga ito at idedemanda niya sila ng economic sabotage. “Kayo anak ng puta, wala kayo sa akin. Kung nakikipaglokohan kayo sa akin, sa mamamayang Pilipino, sususpendehin ko ang writ of habeas corpus at aarestuhin ko kayong lahat kasi gusto kong makita ang mga bilyonaryo sa piitan. Sinabi nila hanggang ngayon, nasaan ang big fish? Heto sila, mayroon tayong dalawang buwaya,” wika ng Pangulo.
Talagang ginigiba na ni Pangulong Digong ang Manila Water at Maynilad. Ang problema, hindi lang sila ang nasisira. Ayon kay Nicky Franco, pinuno ng research at local stock brokerage Abacus Securities, maraming angulo sa nangyayaring ito. Aniya, maraming collateral damage at malabo na ang susunod pang mangyayari. Bumagsak sa 15.67 porsiyento ang halaga ng shares of stock ng Metro Pacific Investments Corp, ang nagmamay-ari ng Maynilad, nitong Martes at 13 porsyento nitong Miyerkules. Bumagsak din sa 7.5 porsiyento ang kay Ayala Corp. na nagmamay-ari ng Manila Water bagamat maliit kumpara sa Metro Pacific dahil sa laki ng kanyang market capitalization. Dahil dito naapektuhan ang equity position ng state-run pension funds ng Social Security System at Government Service Insurance System ng halos P4 billion. Nababahala ang mga bangko at lending institution na inutangan ng Metro Pacific at Ayala Corp. para gastusan at sustenahan ang kanilang proyekto.
“Inaalerto ang mga concessionaire na hindi tatalikuran ng Pangulo ang kanyang tungkulin sa ilalim ng Saligang Batas na pairalin ang batas,” wika ni Presidential Spokespeson Salvador Panelo sa isang pahayag nitong Biyernes. Aniya, gagawin lahat ng Pangulo ang kanyang makakaya para paglingkuran at proteksyunan ang interes ng taumbayan. Hindi ganito kasimple ang isyu na aayusin mo sa pananakot at panduduro para ipakita mo lang na pinangangalagaan mo ang kapakanan ng mamamayan. Pinakikita mong bida ka at bandido ang mga taong gumawa at pinagbigyan ng kontrata. Eh, hindi lang ang kontrata ang iyong hinahamak dito, kundi ang opisyal na aksyon ng dalawang dating Pangulo. Magandang gawing sangkalan ang interes ng mamamayan para sa iyong sariling layunin. Pero, ang nakataya dito ay ang katatagan ng ating sistema at pamamaran ng paggogobyerno na puwedeng panaligan anuman ang kondisyon at sitwasyon. Hindi komo ikaw na ang Pangulo ay may laya ka nang balewalain at yurakan ang mga naging opisyal na ginawa ng mga nauna sa iyo. Kasi, wika ni dating Pangulong Fidel Ramos, na sa ilaim ng kanyang administrasyon nagawa ang concession agreement: “May mga haligi na tumatangan sa kasunduan, ito man ay sa pagitan ng mga gobyerno o ng gobyerno at pribadong sektor. Ang ating salita ang dapat na maging ating bigkis.” Maaaring nakakasama sa taumbayan ang kontrata, pero may proseso na likas sa sibilisadong lipunan na dapat sundin at igalang para mapangalagaan ang kanilang interes. Walang puwang dito ang pananakot at pang-aabuso ng kapangyarihan.
-Ric Valmonte