MATAPOS ang matagumpay na kampanya ng bansa para sa 30th Southeast Asian Games (SEAG), ang kampanya naman ng bansa na makapagpadala ng mas maraming atleta sa 2020 Tokyo Olympics ang siyang paghahandaan ng Philippine Sports Commission (PSC).

YULO:  Isa sa pag-asa ng bayan sa Tokyo Games. (RIO DELUVIO)

YULO: Isa sa pag-asa ng bayan sa Tokyo Games. (RIO DELUVIO)

Sa kasalukuyan, sina pole vaulter EJ Obiena at gymnast Carlos Yulo ang dalawang atletang nakasikwat ng puwesto para sa quadrennial Games na nakatakda sa Agosto.

Nagsasanay pa sina weiglifting Rio Olympic silver medal winner Hidilyn Diaz, boxers Nesty Petecio at Eumir Marcial, gayundin si skateboard star Margilyn Didal para sa pagsabak sa qualifying meet para sa Olympics.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Muling magbabalik sa kani-kaniyang training hub ang dalawang nasabing atleta, si Obiena sa Italy, habang si Yulo naman ay sa Japan matapos lamang ang kapaskuhan, upang magsimula nang maghanda at magsanay para sa naturang kampanya ng bansa.

“Excited po ako sa Olympics. I’m looking forward to it. All of my efforts will be directed toward a great performance in Tokyo,” pahayag ng 24-anyos na si Obiena na nagmarka ng 5.81 metro sa Asian Championships na siyang naging kampeon.

Si Obiena na unang Pilipino na nakapasok sa listahan ng 2020 Tokyo Olympics, ay magsasanay muli sa ilalim ng pamamahala ng kanyang Italian coach na si Vitaly Petrov na siya ring naging coach ng mga kilalang atleta sa buong mundo.

Nagkamit ng isang gintong medalya si Obiena sa katatapos na 2019 SEA Games, at tatanggap ng 300,000 piso buhat sa gobyerno sa bisa ng Republic Act 10699 na nagsasaad ng insentibo para sa mga atleta, bukod pa ang matatanggap buhat sa mga pangako ng mga pribadong sektor gayundin ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panig naman ng 19-anyos na si Yulo, bagama’t hindi kumbinsido sa kanyang naging performance, ay sinisiguro naman niya na pagbubutihin niya ang ensayo sa ilalim ng kanyang Japanese coach na si Munehiro Kugimiya.

“In the Olympics, we are working on raising the difficulty of my routine on the floor,” pahayag ni Yulo na nakatanggap ng dalawang gintong medalya buhat sa katatapos na biennial meet.

Nakatakda namang lumasok si Diaz sa Roma 2020 World Cup sa Enero kasunod ang 2020 Senior Weightlifting Championships sa Kazakhstan sa darating na Abril.

Una nang nakakuha ng bronze medal si Diaz sa isa pang qualifying meet na kanyang nilhokan, ang World Championships na ginanap sa Thailand, kamakailan.

-Annie Abad