MARAMI na ring kontratang pinasok ang gobyerno mula nang manungkulan si Pangulong Duterte. Ang iba rito ay sa ibang bansa niya nilagdaan, pero ang mga proyekto ay sa ating bansa gagawin.
Halimbawa, ang Kaliwa dam na ang kontrata hinggil dito ay lihim na nabuo noong 2018 nang dumalaw ang Pangulo sa China, pero sa bahagi ng bundok ng Sierra Madre sa Katimugang Luzon ito gagawin. Ayon sa Commission on Audit, negotiated contract ito mula pa sa simula pagkatapos na ang pag-aari ng China, ang Engineering Corp. Ltd., ang lumabas na tanging kuwalipikado sa proseso. Ang proyekto ay nagkakahalaga P18 bilyon. Ang problema, matindi ang pagtutol sa proyektong ito. Kasi, gigibain ang malaking bahagi ng bundok at wawasakin ang kapaligiran at ecosystem. Itataboy sa kanilang kinamulatang lugar ang 20,000 na katutubong Dumagat. Ilalagay sa panganib ng paglubog ang mga mababang lugar na nakapaligid dito partikular ang Teresa at Tanay sa Rizal at General Nakar sa Infanta, Quezon. Kaya, upang masalungat ang pagtutol sa proyekto, nagbanta ang Pangulo na gagamitin niya ang kanyang ‘di-pangkaraniwang kapangyarihan para matuloy ito.
Isa pang magiging problema ng bansa ay ang kontrata mismo na pinasok ng Pangulo hinggil dito. Ayon kay dating Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares, sa kanilang pag-aaral, dehado rito ang bansa. Hindi, aniya, parehas ito. May mga probisyon din itong ‘onerous,’ na siyang pangunahing dahilan ng ikinapoot ng Pangulo nang atasan ng International Permanent Arbitration Court sa Singapore ang ating gobyerno na bayaran ng P7.4 billion ang Manila Water at P3.4 billion ang Maynilad Water Services, Inc. Bunga ito ng kasong isinampa ng dalawa sa arbitration court dahil pinigil sila ng ating gobyerno na magtaas ng singilin na labag sa concession agreement. Ayaw bayaran ng Pangulo ang arbitral award at pinagbantaan pa na idedemanda ang mga opisyal ng Maynila Water at Maynilad at ang mga abogado na gumawa ng kontrata ng plunder at economic Sabotage. Sa liham nina Manuel Pangilinan ng Maynilad at Fernando Zobel de Ayala ng Manila Water, ipinaabot nila sa Pangulo na hindi na nila kukolektahin ang napanalunan nilang kabayaran.
Kung ganitong problema ang sumulpot sa kontrata ng ating gobyerno sa China hinggil sa Kaliwa dam, mahirap gawin ang ginawa ni Pangulong Digong, na duruin ang kinamumuhian niya. China ang kalaban, hindi gaya ng Manila Water at Maynilad na kapwa nating Pilipino ang sangkot at naririto sila sa Pilipinas. Kahit may iba pang kontrata ang China sa ating gobyerno, mahirap takutin ang China na kakanselahin ito, tulad ng pinanakot ng MWSS sa dalawang water concessionare. Ang isa sa mga probisyon sa Kaliwa Dam contract na tinututulan ng Bayan Muna ay kung sakaling magkaaberya ang implementasyon at interpretasyon o anumang hindi pagkakaintindihan hinggil sa kontrata, ang arbitration ay dapat gawin sa China. Kaya mo bang ipaglaban sa kanilang korte ang ating kapakanan? Puwede bang puhunanin mo ang tapang dito para hindi igalang ang sinasabi mong masamang epekto sa iyo ng onerous provision ng kontrata? Puwede siguro kung luko-loko ang China at magpapaduro ito
-Ric Valmonte