ISANG panibagong inisyatibo para sa pagsisikap ng bansa upang matugunan ang problema sa basurang plastic ang binuksan sa Kamara de Representantes nitong nakaraang Martes nang aprubahan ng Committee on Ways and Means ang isang panukala para sa pagpapataw ng buwis na P20 sa kada kilo ng mga single-use plastic shopping bag.
Kapag naisabatas ang panukala, makakalikom ito ng P4.8 bilyon kada taon, ayon kay Rep. Jose Salceda ng Albay, pinuno ng komite. Ang perang malilikom dito ay gagamitin para sa pagpapatakbo ng Solid Waste Management Act of 2000. Ngunit higit sa bilyon na maaaring kitain mula sa panukala, ang bagong batas ay hihikayat sa mga pamilihan at mga tindahan sa bansa upang palitan ng papel, sa halip na plastic, ang mga shopping bags para sa kanilang mga costumer.
Sa Senado, mayroon nang dalawang panukala na layong ipagbawal ang mga single-use plastic na inihain nina Senator Francis Pangilinan at Cynthia Villar.
Bag ang pinakamadalas na ginagamit na plastic sa mga pamilihan sa bansa. Dating gumagamit ang mga namimili ng basket na yari sa rattan, buri bag, abaca, at mga tela at papel na lagayan para sa kanilang mga pinamimili. Ngunit mula ng maimbento ang plastic, ang lahat ng mga ito at napalitan na ng iba’t ibang uri ng mga plastic bag.
Maraming hakbang ang sinisimulan na ngayon sa bansa at sa ibang bahagi ng mundo, sa gitna nang natuklasan na bundok-bundok ng plastic na basura ang patuloy na nadaragdagan sa mga karagatan, na nagbibigay-banta sa mga lamang-dagat na inaakala nilang pagkain. Kung walang mangyayari, patuloy na lalala ang problema sa mga susunod na dekada at siglo, lalo’t ang mga basurang plastic na mayroon tayo ngayon ay mananatili sa susunod na 450 taon.
Target ng panukala sa Kamara ang mga plastic bag na kalimitang ginagamit sa mga pamilihan, ngunit mayroon ding iba pang uri ng mga single-use plactics tulad ng mga kutsara, tinidor, kutsilyo, bote, straw, at mga stirrer na ginagamit sa mga kainan. Gayundin ang milyun-milyong tabletas ng medisina na nakalagay sa mga pakete na ginagamit araw-araw. Matapos ang panukala para sa mga plastic bag, dapat ding pagtuunan ng Kamara ang iba pang produktong plastic na patuloy na nadaragdagan araw-araw.
Ilang lokal na pamahalaan na tulad ng Quezon City ang ipinagbawal na ang paggamit ng mga single-use plastic sa mga kainan. Habang ang mga nangungunang kumpanya na gumagamit ng plastic sa kanilang mga produkto— kabilang ang Coca Cola, Pepsico, at Nestle—ay tinanggap na ang kanilang bahagi sa problema ng plastic sa mundo at nangako na gagawin nang recyclable, reusable, o compostable ang mga packaging ng kanilang produkto pagsapit ng 2020.
Gayunman, marahil ang pinakamalaking ambag na maaaring maibigay sa kampanyang ito ng mundo upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng mga plastic sa mundo ay magmumula sa ating mga sarili. Kung sisimulan ng bawat isa na piliin ang mga pagkain at inumin, o mga gamot na hindi gumagamit ng plastic, tiyak na makikinig at susunod ang mga merkado, kainan at mga gumagawa ng produkto.