MALAKI ang ating pag-asa para sa pagtatapos ng banta ng nukleyar na pagkasira mula sa Estados Unidos at North Korea, matapos lumabas na tila nagkakaroon na ng malaking pag-usad sa kanilang peace talks. Nakikinita na kapwa handa na ang dalawa na lagdaan ang isang kasunduan sa isang summit na idinaos sa Hanoi, Vietnam, noong Enero 8, 2019. Gayunman, biglaan na lamang umalis si US President Donald Trump, at sinabing hindi niya kayang tanggapin ang hinihingi ni Kim para tanggalin ang lahat ng economic sanction na ipinataw ng US bago makipagkasundo sa isang tiyak na denuclearization plan.
Ngayon tila balik ang usapin sa simula. Matapos walang marinig na anumang mahalagang pahayag kay Trump sa nakalipas na mga buwan, balik naman ang North Korea sa pagte-test nito ng mga missile at ang satellite launch site na ipinangako na nitong isasara.
Tumugon si Trump nitong nakaraang Linggo sa paglalabas ng isang pahayag sa Twitter na nagsasabing nahaharap si North Korean leader Kim Jong Un sa pagkawala ng “lahat” kung mananatili ang kawalan ng kanyang simpatya. Pinaalalahanan niya ang lider ng North Korea na lumagda na ito sa isang “a strong denuclearization agreement” nang una silang magkita sa unang summit sa Singapore noong Hulyo 12, 2018. Isa itong magkasamang pahayag na nilagdaan ng dalawang lider para sa panawagang nuclear-free Korean Peninsula.
Walang nangyari sa naunang pagpupulong na ito a Singapore noong 2018. At nang muli silang magkita – sa Hanoi, Vietnam, noong Enero 8, 2019 –ngunit biglaan na lamang umalis si Trump nang hindi lumalagda sa anumang kasunduan. At wala nang naging pagsulong na usaping ito mula noon.
Nitong Lunes, isang senior North Korean official, dating nuclear negotiator Kim Yong Chol, ang nagsabing hindi susuko ang kanyang bansa sa panggigipit ng US lalo’t wala namang mawawala sa kanila.
“Trump has so many things that he doesn’t know about (North Korea). We have nothing more to lose, ”aniya. “Though the US may take away anything more from us, it can never remove the strong sense of self-respect, might, and resentment against the US from us.”
Tila balik ngayon ang dalawang bansa sa kanilang dating digmaan ng salita. Umaasa lamang tayo na hindi na ito lalala pa sa orihinal na estado ng nukleyar na komprontasyon, nang pagpapakawala ang North Korea ng mga intercontinental missile nito na bumabagsak sa Pasipiko malapit sa bahagi ng Amerika. Ang ang pagte-test nito sa mga nukleyar na armas. Na tinugon ni Trump sa isang talumpati sa United Nations noong September 21, 2017, na “he would totally destroy” North Korea.
Ito ang panahong nagdala ng malaking takot sa bahaging ito ng ating mundo, lalo’t anumang labanan ng nukleyar na armas ay magdudulot ng pagkalat ng radiatipn sa buong rehiyon. Natatandaan natin kung saan isa sa mga test missile ng North Korea ang bumagsak malapit sa katubigan ng Batanes.
Ngayon balik tayo sa lumang patudsadahan. Maraming naging mga pangako sa naging pagpupulong nina Trump at Kim Jong Un sa Singapore, at sa Hanoi. Ano ang nangyari na nagbalik ito sa batuhan ng mga insulto at pagbabanta?