Ni Edwin Rollon

IBILANG ang Kickboxing sa combat sports na may kakayahan ang Pinoy na mangibabaw sa international arena.

NADOMINA ni Jean Claude Saglag ang karibal tungo sa gintong medalya sa kickboxing ng 30th Southeast Asian Games.  RIO DELUVIO

NADOMINA ni Jean Claude Saglag ang karibal tungo sa gintong medalya sa kickboxing ng 30th Southeast Asian Games. RIO DELUVIO

Sa huling araw ng kompetisyon sa Manila cluster ng 30th Southeast Asian Games nitong Martes, tinuldukan ng Philippine Kickboxing Team ang matikas na kampanya sa napagwagihang gintong medalya nina Gina ‘The Conviction’ Iniong at Jean Claude Saglag.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Taglay ang karanasan na hinubog sa international arena ng pamosong Team Lakay, nadomina ng Baguio City pride na si Iniong ang karibal na si Mingkwan Api ng Thailand tungo sa 3-0 panalo sa women’s -55kg kick light category gold medal match.

Hindi nagpahuli si Saclag na mistulang makina sa bilis ang mga paa at kamay para pigilan na makaporma ang karibal na si Mahmoud Mohammed ng Malaysia sa kanilang duwelo sa championship match ng men’s -63.5kg low kick category.

Nagdagdag naman ng bronze medal si Cordilleran fighter Karol Maguide matapos magwagi kay Cheuangvanheuang Phan ng Laos sa men’s-51kg full contact category.

“Masaya kami at nakapag-ambag kami sa kampanya ng Team Philippines. Mahusay din ang mga kalaban namin, talagang nakapaghanda lang kami ng mabuti. Malaki ang pasasalamat namin sa aming mga opisyal, sa pamumuno ni Senator Francis Tolentino,” pahayag ni Iniong, sumasabak sa atomweight division ng pamosong ONE FC.

Sa unang pagkakataon na nilaro ang kickboxing sa biennial meet, impresibo ang Pinoy fighters sa napagwagihang 3 ginto, 2 silver at isang bronze sa eight-division tournament.

Walang pagsidlan naman ang kasiyahan ni Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP) president Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kahanga-hangang kampanya ng Pinoy fighters sa kabila ng katotohanan na bago pa lamang na nabubuo ang kickboxing association, kumpara sa karibal na bansa na may nilalaro nang pro tournament.

“Kumpara sa ibang atleta ng ibang mga bansa, bagito tayo pagdating sa laro na ito, pero pinatunayan ng mga manlalaro natin na ang Pinoy, hindi magpapatalo at lalaban hanggang dulo,” pahayag ni Tolentino.

Inamin ni Tolentino na kailangang doblehin ang kanilang programa, higit sa aspeto ng grassroots sports development upang mas maihanda ang koponan sa susunod na SEA Games na gaganapin sa Ho Chi Mi, Vietnam sa 2021, gayundin ang posibilidad na makapasok ang sports bilang regular sports sa Asian Games sa 2022 sa China.

“Nandito naman ang lahat ng representatives ng Sea Games Federation. We’re united for the inclusion of kickboxing in Vietnam edition and hopefully makasama na rin tayo sa Asian Games.”

“Palalakasin natin ang ating programa, kaya kakausapin namin ang DepEd para maisama ito sa Palarong Pambansa para maenganyo naman ang mga kabataan na magsanay at lumahok din dito. Hopefully, makombinsi rin natin ang mga collegiate league na maisama ang sports sa kanilang programa,” pahayag ni Tolentino.