SA loob lamang ng isang taon, mula Nobyembre 2018 hanggang Nobyembre 2019, nawala sa atin ang tatlong ‘titans’ ng industriya ng Pilipinas—George Ty, Henry Sy, Sr., at John Gokongwei, Jr. Ang tatlong natatanging negosyanteng nabanggit ang tumulong hindi lamang sa ating ekonomiya ngunit gayundin sa ating bansa. Nang magsimula sila ng kanilang negosyo na kalaunan ay lumago sa isa sa mga pinakamalalaki sa bansa, nakatulong sila sa bansa sa paglikha ng yaman at distribusyon sa pamamagitan ng pagpapatakbo nito at paglikha ng mga trabaho.
Nang isang batang negosyante pa lamang ako, sila ang aking mga ‘idolo.’ Ang tagumpay na kanilang nakamit ang gumising sa akin—sa katunayan, marami sa aming mga batang negosyante noong mga panahong iyon—upang magsumikap para maging matagumpay rin. Kaya naman, sa aking palagay isa sa paraan upang lumikha ng mga batang entrepreneur ay hikayatin ang maraming negosyante na maging halimbawa. Iniidolo ng maraming kabataan ang mga personalidad sa showbiz, bayani, at iba pa. marahil panahon na upang ipakilala natin ang mga matatagumpay na negosyante bilang mga ‘role model.’ Nakatulong ito sa akin at sa iba pang matatagumpay na negosyante na patuloy na tumutulong sa pagpapaunlad ng bansa.
Si George Ty, halimbawa, ay naranasan kung gaano kahirap para sa mga negosyanteng katulad niya na makakuha ng loan sa banko, kaya napagdedisyunan niyang magtayo ng sarili niya. Binuksan niya ang Metrobank sa Binondo noong 1962 at itinayo upang maging isa sa pinakamalalaking banko sa bansa. Kalaunan nagtayo rin siya ng isang local joint venture company kasama ang Toyota na naging top car brand sa Pilipinas.
Isa ring ehemplo ng pagsisikap si Henry Sy. Nagtrabaho siya sa sari-sari store ng kanyang ama sa Quaipo at noong 1950, pinasok niya ang pagtitinda ng mga suplus na bota. Kalaunan nagbukas siya ng ShoeMart noong 1958 sa bahagi ng Cariedo, Maynila. Lumago ito sa isang malaking kawing ng department store na kumalat sa buong bansa. Pumanaw siyang pinakamayamang Pilipino at ika-52 na pinakamayaman sa buong mundo na mayroong tinatayang net worth na $20 billion.
Partikular kong natatandaan ang isang pagkakataon noong ako ay baguhang negosyante pa lamang, nang ituro ako ni Henry Sy mula sa isang grupo at sabihing, “I’ll tell you this young man would become one of the most successful businessman in the country or someday he’ll be a great president.” Hindi ko man nakamit ang pagkakataon na mapatunayan ang halaga ko bilang pangulo, umaasa naman akong na disenteng trabaho ang ginagawa ko at natututo mula sa mga aral ng aking ‘idolo.’
Nagsimula si John Gokongwei magtrabaho noong kabataan niya matapos mamatay ang kanyang ama, sakay ng kanyang bisikleta nagtitinda siya ng mani at knick knacks upang makatulong sa kanyang limang kapatid. Kalaunan napalago niya ang isang negosyo bilang Universal Robina na nagpo-produce at nagbebenta ng mga pagkain, at inumin sa anim na bansa sa Asia.
Nabago rin ni Gokongwei ang paraan ng paglalakbay ng mga Pilipino sa pagtatayo ng isang budget airline, ang Cebu Pacific. Sa pamamagitan ng abot-kayang paglalakbay, ipinakilala niya sa mga Pilipino ang ibang mga kultura at binigyan tayo ng oportunidad na masilayan ang ganda ang ating sariling bansa.
Naitayo ang mga nasyon sa pamamagitan ng magigiting na mga tao. Minsan itinatayo ito ng mga rebolusyunaryong nagbubuwis ng kanilang buhay para sa kalayaan ng kanilang mga kababayan. Ngunit kalimitan kung hindi man, itinatayo ito ng mga lumulutas sa problema ng kanilang bansa sa pamamagitan ng pagsisimula ng negosyo. Nagtatayo sila ng mga negosyong lumilikha ng yaman para sa bansa. Itinatatag nila ang pag-asa at pangarap ng mga tao.
Nawala man sa atin ang tatlong magiging na kapitan ng industriya. Ngunit sa kanilang ipinakitang halimbawa sa atin, nakapagbigay sila ng inspirasyon sa bagong grupo ng mga entrepreneur na nawa’y silang magbibitbit ng sulo. Maaalala sina Ty, Sy, at Gokongwei hindi lamang sa bilyong piso meron sila, ngunit sa bilang ng buhay na kanilang napaganda.
-Manny Villar