KUNG paniniwalaan ang Social Weather Stations (SWS) survey, pito sa 10 Pilipino ang nababahala sa patuloy na pagdami ng Chinese sa Pilipinas. Ang iba nga ay nangangambang baka ang mga Tsino ay maging banta sa pambansang seguridad.

Ginawa ng SWS ang survey noong Setyembre 27-30, pero ni-release lang noong Huwebes. May 1,800 adults ang tinanong. Lumilitaw na 70 porsiyento ng mga Pinoy ang nag-aalala sa pagdami ng mga Chinese na nagtatrabaho sa Pilipinas. Karamihan ay naniniwalang security threat ang pagdami ng mga Tsino ay mula sa Metro Manila.

Sapul nang maluklok si Pres. Rodrigo Roa Duterte at kinaibigan ang China, dumagsa ang mga Chinese, karamihan ay mula sa mainland China. Sila ay nagtatrabaho ngayon bilang mga kawani o manggagawa ng POGOs. May mga report na mahigit na sa tatlong milyon (3 million) ang nakapasok sa Pinas mula nang nahalal si PRRD noong 2016.

Dahil sa ganitong resulta ng SWS survey, nag-react ang Malacañang at sinabing maaaring ito ay may “slant” upang paboran ang mga kritiko ng Duterte administration. Kinuwestiyon ni presidential spokesman Salvador Panelo ang metodolohiya (methodology) na ginamit ng SWS.

Ganito ang pahayag ni Spox Panelo: “It is a matter of research methodology. We note that the survey question has been slantly phrased as: “Gaano po kayo nababahala sa pagdami ng dayuhang Intsik na nagtatrabaho sa Pilipinas?”

Reaksiyon ito ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Bakit ganoon? Kapag pabor sa kanila ang SWS o Pulse Asia surveys, natutuwa sila at nagbubunyi. Subalit kapag negatibo at ‘di-kanais-nais eh kinokontra nila.” Aba, ewan ko kay Spox Panelo!

Samantala, kung ang paniniwalaan naman ay ang Pulse Asia survey, lumilitaw na 99 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi nakabibili ng mga gamot na prescribed sa kanila ng mga doktor. Sa Ulat ng Bayan September report ng Pulse Asia na ni-release ng Dept. of Health (DOH), 99% ng Pinoy ang hindi makabili ng prescription medicines dahil sa mataas na presyo.

Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, ang report ay sumusuporta sa posisyon ng DOH na dapat magpataw ng price ceilings sa mamahaling mga gamot na kailangan ng mga mamamayan. Ibig sabihin, dapat magtakda ng tamang presyo sa mga gamot.

oOo

Sa kauna-unahang pagkakataon, si Pope Francis ang magpi-preside sa tradisyonal na Aguinaldo mass o misa na dedikado sa Filipino community sa Rome. Gagawin ito sa Disyembre 15, ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

Sinabi ng CBCP na ang St. Peter’s Basilica ay laging nagho-host ng misa para sa mga Pilipino sa nakalipas na mga taon, pero ito ang unang pagkakataon sa taong ito na mismong si Pope Francis ang mangunguna sa misa.

Mabuhay si Pope Francis. Mabuhay ang mga Pilipino. Advanced Merry Christmas sa lahat. Tandaan natin, ang Pasko ay para kay Kristo at hindi para kay Santa Claus!

-Bert de Guzman