SINIMULAN ni Eumir Felix Marcial, tinapos ni Nesty Petecio.

Kabuuang pito sa 10 Pinoy finalists, sa pangunguna ng dalawang World Championship veteran, ang nakasikwat ng gintong medalya sa pagtatapos ng boxing competition nitong Lunes sa 30th Southeast Asian Games sa PICC Tent sa Manila.

Sinimulan ni Marcial ang arangkada ng Team Philippines sa impresibong first round stoppage kontra sa karibal sa men’s 75 kg class (middleweight) kontra Vietnamese Manh Cuong Nguyen. At tinuldukan ni World women’s champion Nesthy Petecio ang larga ng Pinoy sa 5-0 panalo kontra Nwe Ni Oo ng Myanmar sa women’s 57 kg class (featherweight).

Kumabig din sina Carlo Paalam (light-flyweight), Rogen Ladon (flyweight), Josie Gabuco (women’s light-flyweight), James Palicte (light-welterweight), at Charly Suarez (lightweight).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sa kabuuang 13 events na nakataya, nakuha ng Pinoy ang pitong gintong medalya para makamit ang overall title.

Nakamit ng Thailand ang limang ginto, habang nakaisa ang Vietnam.

Nadomina rin ni Paalam si Kornelis Kwangu Langu ng Indonesia, 5-0, gayundin si Ladon kontra Ammarit Yaodam ng hailand at Palicte laban kay Van Hai Nguyen ng Vietnam.

Nakamit naman ng dating world champion na si Gabuco ang ikalimang SEAG gold nang pulbusin ang karibal na si Endang ng Indonesia 5-0.

Tumapos naman ng silver medal sina Irish Magno, Riza Pasuit, at Marion Pianar.

Natalo si Magno kay Thi Tam Nguyen ng Vietnam, 1-4, naolats sina Pasuit at Pianar sa parehong 5-0 resulta.

-Marivic Awitan