MAGANDANG balita para sa mga biyahero mula Cavite patungong Metro Manila. Nagsimula na nitong Lunes ang pagbiyahe ng mga “water jeepney” sa pagitan ng Cavite City Port Terminal at sa Cultural Center of the Philippines (Bay) Terminal sa Pasay City, na pumuputol sa tatlo hanggang apat na oras na biyahe sa pinakamamalang trapik ng Metro Manila sa 20 minuto lamang. At isang buwang libre ang pagsakay rito bilang pagpapakilala sa bagong serbisyo.
Dumagdag ang Cavite ferry service sa nauna nang Bataan-Metro Manila service na pumutol naman sa karaniwang apat hanggang limang oras na biyahe kung dadaan sa Bulacan at Pampanga sa 50 minuto.
Sa malaking pagkatipid sa oras at gawain para sa mga biyahero, nakapagtatakang wala tayong malaking serbisyo ng ferry na nagkokonekta sa Metro Manila patungo sa maraming bayan at siyudad hindi lamang sa palibot ng Manila bay ngunit gayundin sa bahagi ng Ilog Pasig patungong Rizal at Laguna.
Dahil sa matinding trapik na nararanasan sa Metro Manila tinaguriang itong world’s worst cities to work in. Tahanan ito ng ahensiya at opisina ng pambansang pamahalaan, gayundin ang mga pangunahing korporasyon sa bansa. Sa mga lumipas na taon, dumoble ng maraming beses ang bilang ng mga sasakyan na gumagamit sa mga lansangan at highways ng Metro Manila, kaya naman kilala ang Metro Manila para sa pinakamalalang siyudad para magmaneho. Ang Epifanio de los Santos Ave. (EDSA) na dumadaan sa bahagi ng Caloocan, Quezon City, Mandaluyong, Makati, at Pasay – ang naging simbolo na ng kalagayang ito ng problema sa trapiko.
Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon, humingi si Pangulong Duterte sa Kongreso ng “emergency powers” upang masolusyunan ang problema sa trapik ngunit hindi ipinagkaloob ng Kongreso ang kapangyarihan; sa halip humingi ang Senado sa Department of Transportation ng “master plan.” Bumuo ng sariling plano ang Metro Manila Development authority, kabilang ang pagbabawal sa mga bus na galing probinsiya na pumasok sa Metro Manila, ngunit hindi ito umubra dahil kakailangan naman ng mga bagong city buses na magdadalawa sa mga biyahero sa kanilang destinasyon.
Patuloy ang pagtatayo ng pamahalaan ng mga alternatibong ruta sa palibod ng lungsod, partikular ang skyway na magkokonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Express Way (SLEX) at isa pang skyway na magkokonekta sa NLEX sa Radial 10 sa bahagi ng pier.
Mayroon din plano para muling pakinabangan ang Ilog Pasig bilang isang ruta ng transportasyon sa pamamagitan ng ferry system mula Manila Bay patungong Laguna de bay na may 12 istasyon, na pararamihin sa 29 istasyon sa loob ng apat na taon. Pinangunahan ng Department of Budget and Management ang pagpaplano para sa proyektong ito noong Abril 2018, ngunit wala namang narinig na pag-usad sa proyektong ito hanggang sa ianunsiyo ng MMDA nitong nakaraang Lunes na muli na nilang bubuhayin ang ferry service, na libreng magagamit ng mga pasahero ngayong Disyembre.
Sa patuloy na paghahanap ng paraan at solusyon upang mapahupa ang nararanasang trapiko sa Metro Manila, dapat na ikonsidera ang lahat ng posibleng paraan. Maaaring makatulong ang mga skyway ngunit dapat nating pakinabangan ang ating mga rutang tubig. Kaya naman ikinatutuwa nating malaman ang pagbubukas ng bagong ferry service sa Cavite City at umaasa tayo na madaragdagan pa ang ruta nito patungo sa ibang mga bayan sa palibot ng Manila Bay at Ilog Pasig, upang mapagsilbihan ang daang libong mga pasahero na ngayo’y kinakailangang makipagsapalaran umaga at gabi sa matinding trapik ng lungsod upang makapagtrabaho sa siyudad