Ni Edwin Rollon

TINUPAD ng Pinoy kickboxers ang pangako na makapag-aambag ng medalya sa Team Philippines sa nasungkit na isang ginto at dalawang silver Lunes ng gabi sa unang araw ng final round sa kickboxing event ng 30th Southeast Asian Games sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

NAKAPUNTOS si Olsim sa kanyang atake.  RIO DELUVIO

NAKAPUNTOS si Olsim sa kanyang atake. RIO DELUVIO

Dumagundong ang hiyawan ng crowd na walang humpay ang pagsuporta sa Nationals matapos makamit ni Jerry Olsim ang unang gintong medalya para sa Team Philippines sa martial arts discipline na kauna-unahang nilaro sa biennial meet.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ginapi ng pambato ng Benguet ang karibal na si Klinming Sarayut ng Thailand via decision sa -69kg kick light category.

Kinapos naman sina Jomar Balangui at Raquel Daquel sa kani-kanilang weight division finals match laban sa Vietnamese opponents.

Naungusan si Dacquel ni Nguyen Thi Hang Nga, 1-2, sa women’s -48kg full contact, habang nagapi si Balangui ni Phan Ba Hoi, 1-2, sa  men’s -54kg low kick.

May dalawang pagkakataon pa ang Pinoy na makasungkit ng gintong medalya sa pagsalang nina internationalist Gina ‘The Conviction’ Iniong  at  Benguet pride Jean Calude Saclag sa finals ng women’s -55kg kick light category at men’s -63kg. low kick class.

Malugod ang pagbati ni Samahang Kick-boxing ng Pilipinas (SKP) president Senator Francis ‘Tol’ Tolentino sa kampanya ng mga atleta na aniya’y nagpamalas ng katatagan at kahusayan sa harap ng sambayanan.

“Nakita naman natin na talagang lumaban tayo, hindi natin ito expertise pero nakipag-laban ang mga manlalaro natin. Congratulations sa mga nanalo. Pahuhusayan pa natin sa susunod,” pahayag ni Tolentino.