HANGAD ng Mindanao Development Authority (MinDA) Tienda Program na mapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng higit na pamamahala sa farm inputs at commodities sa mas mababang presyo, pagbabahagi ng isang opisyal nitong Lunes.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni MinDA Secretary Emmanuel Piñol na layunin ng programa na maipagkaloob sa mga consumer, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda ang higit na access sa farm inputs at equipment, at household supplies sa mas mababang presyo kumpara sa merkado.

Umaasa rin si Piñol na makatutulong ang programa sa pagpapababa ng antas ng kahirapan sa Mindanao at Palawan sa hinaharap.

“Farmers and fisherfolk will be registered as members of the MinDA Tienda for them to avail of the special prices while at the same time, they will be assured of a market for their produce,”aniya.

Dagdag pa ng opisyal, hangad din ng programa na magamit ang rural agricultural at fisheries production sa isang market-oriented aktibidad, habang gagabayan ang mga miyembro kung ano ang maaaring itanim depende sa pangangailangan ng merkado.

“As card-bearing members, they will be earning shares every time they buy from and sell their produce to the MinDA Tienda,” dagdag pa ni Piñol.

Nakikita sa programa ang pagtatayo ng mga tindahan na magbebenta ng mga wholesale-priced common items sa mga kasapi nito, kabilang ang mga gamit sa pagsasaka tulad ng pataba, habang ginagabayan sa kung ano ang maaaring i-produce para sa merkado sa labas ng kanilang komunidad.

Aniya, nagboluntaryo na ang Ateneo de Davao School of Business and Governance na tumulong sa pagbuo ng balangkas kung ano at saan ang magiging unang consumer at farmers supply depot sa bahagi ng Mindanao.

Ayon pa kay Pinol, nagboluntaryo rin ang isang pribadong korporasyon sa General Santos City at Cebu, na maging katuwang ng ahensiya, kung saan isu-supply sa mga convenience store sa Cebu ang kanilang mga produkto.

PNA