SA 17 years na magka-relasyon sina Mon Confiado at Ynez Veneracion ay hindi sila nabiyayaan ng anak at inamin ng aktor na siya ang may ayaw pa noon dahil hindi siya handang maging ama. Naghiwalay ang dalawa bilang magkaibigan at nagkaroon ng kanya-kanyang karelasyon.

MON

Si Ynez ay nagkaroon ng anak na babae sa dati nitong karelasyon samantalang si Mon ay nanatiling walang anak.

Sa ginanap na grand mediacon ng Miracle in Cell No. 7 handog ng Viva Films at idinirek ni Nuel Naval ay nabanggit ni Mon na may bata siyang sobrang mahal na pati buhay niya ay ibibigay niya para protektahan. Hindi niya kadugo ang bagets pero grabe ang pagmamahal niya at linggu-linggo ay nakakasama niya na hindi niya pinangalanan kung sino.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Kaya naman pagkatapos ng presscon ay tsinika namin ang aktor at inalam kung sino ang batang iyon.

“Anak ni Ynez!,”mabilis niyang sagot.

“Sobrang mahal ko ang anak ni Ynez, sabi ko nga, pati buhay ko itataya ko para sa kanya,” diretsong sabi ni Mon.

Siyempre napakunot-noo kami paano at bakit ganu’n ang pakiramdam at pakikitungo ng aktor? Ibig sabihin ba ay mahal pa niya ang dating karelasyon?

“Wala na, magkaibigan na lang kami ni Ynez at okay kami, sobrang okay kami ngayon kaysa noong kami pa, lagi kaming nag-aaway, ngayon sobrang okay.

“Hindi ko rin alam bakit ganito ang pakiramdam ko sa bata, siguro may guilt-feeling ako? Kasi noong kami, hindi kami nagka-anak o siguro kasi ayaw ko pa kasi feeling ko hindi pa ako ready?

“Pero heto, parang biglang nabago ang lahat? Parang gusto ko na ng anak, tapos sobrang lambing pa ng bata, ‘daddy’ nga tawag sa akin, lagi kaming magkasama, namamasyal kaming dalawa lang,” masayang kuwento ni Mon.

Nakakatuwa nga kasi bukod sa ‘daddy’ ang tawag ng bata ay si Mon pa ang um-attend kadalasan sa school activities ng anak ni Ynez.

“Kadalasan kasi may trabaho si Ynez, so pag may activity ang bata sa school, makikiusap si Ynez na baka puwedeng ako, so ako, go agad, kung may lakad ako, ida-drop ko para sa bata. Kilala na nga ako sa school nila, eh,” natatawang kuwento pa ng aktor.

Well-known ang ama ng anak ni Ynez at magkakilala raw sila ni Mon, “okay kami ni Gov, magkakilala kami at alam niya lahat ‘yung ginagawa ko sa anak niya.”

Nabanggit pa na kilala rin naman daw ng bata kung sino ang tunay niyang ama, pero dahil masyadong abala sa trabaho kaya dalawang beses palang silang nagkitang mag-ama.

At sumakto naman na napupunuan ni Mon ang pagiging ama sa anak ni Ynez.

Nakakatuwa dahil ang dami-daming kuwento ng aktor sa bonding moments nila ng anak ng dating karelasyon at maraming bagay daw ang pinagkakasunduan nila.

Nabanggit namin na nakilala na namin ang bagets at mahinang kumain at tila hindi mahilig sa gulay.

“Medyo mahina nga kumain, pero okay naman pag magkasama kami at napapakain ko naman ng gulay, so far okay,”sambit ni Mon.

Natutuwa kami na maganda ang relasyon nina Mon at Ynez ngayon at kahit hindi nakakasama ng bagets ang tunay niyang ama ay may father figure naman siya sa katauhan ni Mon.

Sabi nga ng aktor, sobrang swak sa kanya ang pelikulang Miracle in Cell No. 7 dahil may bata silang inaalagaan sa loob ng kulungan, si XiaVigor na anak ni Aga Muhlach.

“Nagamit ko rito ‘yung relasyon at kung paano ko alagaan ang anak ni Ynez, kasi sa loob ng selda, lahat kami concerned sa bata, kasi nga ‘yung role ni Aga iba so kaming mga kasama niya sa loob, talagang alaga namin ‘yung bata, sobrang mahal namin,” kuwento ni Mon.

Base sa mga nakapanood na sa screening ng Miracle in Cell No. 7 sa Fishermall nitong Lunes ay lahat ng artista ay magagaling at ibang-iba sa mga nagawa na nilang karakter at lahat sila ay puwedeng manalo sa pagka-best supporting actor at best actor naman si Aga.

-REGGEE BONOAN