AYON kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pinag-aaralan na nila ang kanilang legal action sa naging desisyon ng International Permanent Arbitration sa Singapore na pinagbabayad ang ating gobyerno ng mahigit P11 bilyon sa Manila Water Co. at Maynilad Water Sevices, Inc.
Ito ay bunga ng reklamo ng dalawang water concessionaire laban sa ating gobyerno nang pigilin nito sila na magtaas ng kanilang singilin. Kasi naman, nais nilang isama sa singilin ang kanilang mga corporate taxes na maipapasa sa mga water consumer. Ang iginawad sa Manila Water at Maynilad ng arbitral court ay halaga ng kanilang lugi at pinsala. “Marahil sisimulan namin ng paglikha ng bagong kontrata na wala na ang mga kasunduan, na sa palagay namin, ay labag sa batas at public policy na makapipinsala sa kapakanan ng publiko,” wika ni Justice Secretary Guevarra.
Ayon din kay Guevarra, higit na interesado ang gobyerno na magkaroon ng bagong kontrata kaysa makipagsundo ang gobyerno sa halagang iginawad ng arbitral court. Ito ang naging reaksyon niya sa sinabi ng Manila Water na payag ito na makipagsundo sa gobyerno para sa ikalulutas ng problema hinggil sa nakuha nitong award na P7.4 bilyon mula sa arbitral court. Sa tweet ni Foreign Secretary Teodoro Locsin, Jr., sinabi niya, “Napakalaking suhol ang kinuha nila. Period.” Binatikos niya ang mga abogado natin at mga opisyal ng MWSS na gumawa ng concession agreement sa panahon nina dating Pangulong Fidel Ramos at Gloria Arroyo. Aniya, gusto ko ang mga ito na isinuko ang kapanyarihan ng gobyerno na mag-regulate ay madisbar, litisin at mabulok sa kulungan. Sa mga sunod-sunod na tweet ni Locsin, ipinahiwatig niya na gumulong ang napakalaking halaga bilang suhol sa pagbibigay ng kontrata sa Manila Water at Maynilad para mamahagi ng tubig sa kalakhang Maynila at ibang bahagi ng Rizal at Cavite.
Hindi kaya nais din ng administrasyong ito ay suhol? Aba, eh sinabi ni Pangulong Digong na hindi babayaran ang award na mahigit P11 bilyon na nakuha ng dalawang water concessionaire at pinagbantaan pa niyang ihahabla ang mga opisyal nito ng economic sabotage at plunder. Napakatagal ko nang nagpapraktis ng aking propesyon bilang abogado, at hindi lang iilang ulit na naharap ako sa ganitong sitwasyon. Kapag nanalo ako sa kaso at nakakuha ng award, sa uri ng nakuha ng Manila Water at Maynilad, kapag ipinupursige ko nang makolekta ang nakuhang halaga, lalaban ang abogado ng aking natalo, parang ginagawa ngayon nina Pangulong Duterte at Sec. Locsin. Hindi maglalaon, kakausapin ako ng kalaban kong abogado at sasabihing ibaba ko ng kaunti ang halagang kinokolekta namin, pagbabayarin na niya ang kanyang kliyente. Pero, ito ang dagdag niya. “Bahala ka na sa akin.” Kapag sinabi ko ito sa aking kliyente at nagkasundo sila ng kalaban kong abogado kung magkano ang ibibigay sa kanya, AYOS NA ANG KASO
-Ric Valmonte