NOON daw panahon ni Tita Cory (Pres. Cory Aquino), P30 lang ang isang kilong GG (galunggong). Iyan ang sabi ng dati kong GF (girl friend) nang marinig niya sa radyo at mabasa sa diyaryo na ang isang kilo ngayon ng GG ay umabot na sa P300.
Ang galunggong ang itinuturing na “poor man’s fish” o isda para sa mahirap na tao. Nagbibiro ang isang radio reporter nang sabihin niyang hindi na ito “isda ng mahirap” kundi isdang nagpapahirap sa mga mahihirap.
Dahil sa pagmamahal ng presyo ng galunggong, muling aangkat ang Pilipinas ng GG upang makatugon sa pangangailangan ng mga Pinoy. Binigyan na ni Agriculture Sec. William Dar ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng permiso upang umangkat ng 450,000 metrika tonelada ng tinatawag na “small pelagic fish”, kabilang ang galunggong (round scad).
Ang presyo ng isang kilo ng galunggong noong nakaraang linggo ay P180 per kilo lang. Nakabili pa nga ang ex-GF ko ng ganito dahil sale ito sa isang mall. Nagulat kami nang biglang sumikad ang presyo ni GG sa P300 kada kilo, mas mahal pa sa presyo ng baka, baboy at manok.
Sinabi ni Noel Reyes, spokesman ng Dept. of Agriculture, na nag-isyu na sila ng SPIC (sanitary and phytosanitary import clearance) at certificate of necessity para umangkat ng mga isda. Ayon naman kay BFAR executive director Eduardo Gongona, tumatanggap na sila ng mga aplikasyon at nag-iisyu ng mga permit.
Karamihan sa importasyon, ayon kay Gongona, ay galunggong, mackerel, pusit at bonito. Naalala ko tuloy noong ako’y nasa baryo pa, ang mga isda na nahuhuli ng aking amang magsasaka ay bulig (o dalag), hito, gurami, lukaok (ayungin) na malimit naming maging ulam.
Hindi ko pa kilala ang galunggong noon. Maging ang tilapya at karpa ay hindi ko pa natitikman noon. Masarap, malinamnam at masustansiya ang mga isdang nahuhuli ni Tatang sa bukid at sa ilog. Simple ang buhay sa baryo, isda at gulay ang ulam at madalang makatikim ng litson o baka.
oOo
Mukhang nagbago na naman ng isip si Pres. Rodrigo Roa Duterte. Kung noon ay buong tindi niyang sinabi na hindi na makikipag-usap ang gobyerno kay Joma Sison, founder ng Communist Party of the Philippines, sapagkat wala itong isang salita at hindi sinsero sa peace, talks, ngayon ay inatasan niya si Labor Sec. Silvestre Bello III na magtungo sa Netherlands upang makipag-usap kay Joma.
Katwiran ni Mano Digong, ito na ang kanyang “huling baraha” upang buhaying muli ang malimit ma-postpone na usapan. Pinatigil ng Pangulo ang usapang-pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng kilusang komunista noong 2017 bunsod ng sunud-sunod na pag-atake ng mga rebelde sa military at police.
Inakusahan din niya ang National Democratic Front (NDF) sa pagsusulong ng isang coalition government, isang power-sharing agreement, na ayon kay PDu30 ay paglabag sa Constitution. Gayunman, ilang buwan lang ang nakalipas, inimbitahan niya si Sison na umuwi sa Pilipinas upang i-resume ang negosasyon. Hindi siya darakpin at nag-alok pa ang Pangulo na siya ang sasagot sa lahat ng gastos ng lider-komunista.
Hindi natatakot si DILG Sec. Eduardo Año na siya’y nasa “kill list” ng CPP-NPA. Ayon kay Año, huhulihin o papatayin muna nilang lahat ang mga rebelde bago nila maisakatuparan ang kanilang planong assassination. Bukod kay Año, nasa “kill list” din si National Security Adviser Hermogenes Esperon at iba pang opisyal ng AFP.
-Bert de Guzman