KAHIT wala ang gintong medalya sa kanyang leeg, may naghihintay nang parangal ang sambayanan kay Roger Casugay – tinaguriang ‘Surfing Hero’ ng La Union.

Dahil sa kabayanihan na muling naglagay sa tunay na ‘character’ ng isang Pinoy, ipinagkaloob kay Casugay ang karapatan na iwagayway ang bandila ng Pilipinas para pangunahan ang atletang Pinoy sa pagparada bilang overall champion sa closing ceremony bukas ng 30th Southeast Asian Games sa ultra-modern track oval ng New Clark City sa Pampanga.

Pangungunahan din ng 27- anyos ang Team Philippines sa pakikipagharap sa Pangulong Duterte sa Malacanang.

“Roger will lead the Team Philippines in awarding ceremony in Malacanang to meet the President. The PSC will give him a plaque of recognition for his heroic deed and a cash incentive to be approved by the PSC Board,” pahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chief at PH Team Chef of Mission William ‘Butch’ Ramirez .

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Tumataginting na P300,000 ang cash incentives ni Casugay mula sa PSC. Hiwalay pa rito ang insentibo na mula sa POC, Kongreso at Malacanang, gayundin mula sa pamahalaan batay sa itinatadhana ng Incentive Act.

Nakamit ni Casugay ang gintong medalya sa longboard division ng men’s surfing nitong Linggo sa La Union. Ikalawang ginto sana ito ni Casugay, ngunit ilang araw bago ang tagumpay, palaban siya sa gold medal nang iwan ang kompetisyon at sagipin ang karibal na Indonesian na nalagay sa panganib nang mapatid ang tali nito sa surf board nang hampasin ng malakas na laon.

Hindi man nakatapos at bigong makamedalya, nakuha naman ni Casugay ang papuri hindi lamang ng mga kababayan bagkus ng buong mundo matapos umusok sa social media ang kanyang kabayanihan.

Ang kanyang nagawa ang higit na nagpatingkad sa pagkamit ng overall championship ng Team Philippines.

May dalawang araw pa ang kompetisyon, ngunit tangan na ng bansa ang kabuuang 295 medalya, tampok ang 115 ginto. May nakuha ring 87 silver at 93 bronze medal.

Nakabuntot ang Indonesia (68- 67-95/230), Vietnam (68-63-87/218), Thailand (64-78-92/234) at Malaysia (43-45-63/151).

Samantala, tatampukan ng mga premyadong entertainers ang closing ceremony celebration sa pangungina international star rapper Ap.de.ap.

Magkakaloob din ng isang tribute sa pamamagitan ng awit ni Sarah Gerenomia ang buong SEAG workforce, kabilang ang volunteers. Pormal ding ibibigay ang SEAG Federation Flag sa Vietnam bilang host ng 2021 SEAG.

-Annie Abad